Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoGamot

Ni Nestor Barco

MALAKI ang tiwala ni Cenon sa siyensiya. Kung ano ang sinasang-ayunan ng siyensiya, iyon ang pinaniniwalaan niya.

Isinasabuhay niya ang pagtitiwalang ito. Kapag nagkakasakit siya, ang takbo agad niya ay sa duktor. Kahit naman ang misis niya, sa duktor din takbo nito pag nagkakasakit. Sabihin pa, sa duktor nila dinadala ang tatlong anak kapag nagkakasakit ang mga ito. Hindi siya naniniwala sa ibang sinasabing nagpapagaling ng sakit. Sa medisina lamang siya nagtitiwala palibhasa’y sangay ito ng siyensiya. Nang lumaki na ang mga anak, sa duktor pa rin ang tungo ng mga ito kapag nagkakasakit.

“Matagal nilang pinag-aralan ang panggagamot. Marami na rin silang karanasan. Bago rin ibenta ang gamot ay dumadaan muna sa maraming pagsubok,” katwiran niya.

Alam niya iyon dahil mahilig siyang magbasa ng mga artikulo tungkol sa siyensiya, lalo na sa medisina. Inaalam niya ang mga bagong natutuklasan tungkol sa mga sakit, mga bagong gamot at mga paraan ng panggagamot.

Hindi siya naniniwala sa herbal products kahit pa sumikat ang mga ito at maraming gumagamit.

“Hindi pa naman napapatunayan ng siyensiya na mabisa talaga ang mga iyan. Nakita mo naman, me nakasulat na ‘No Approved Therapeutic Claims’ ang mga iyan,” katwiran niya.

GAYON na lamang ang panlulumo ni Cenon nang malaman niyang nasa Stage 3 na ang kaniyang colorectal cancer.

“Dok, sige po, i-schedule na natin,” mabilis niyang sagot nang sabihin sa kaniya ng oncologist na kailangan niyang sumailalim sa chemotherapy at radiotherapy.

Nabasa na niyang kailangan talaga ang mga iyon sa paggamot sa kaniyang sakit. Chemotherapy ang unang gagawin.

Isa pa, hindi niya problema ang gagastusin. May tatlumpu’t dalawang pinto siya ng paupahang apartment. Individually paying member din siya ng PhilHealth.

Wala na naman siyang malaking pinagkakagastusan. Nakapagtapos na ng pag-aaral ang tatlong anak niya at pawang nagtatrabaho na. Maayos ang suweldo ng mga ito. Tutulong pa nga ang mga ito kung wala siyang pera.

Natitiyak din niyang tutulong kahit paano ang mga kapatid niya kung wala talaga siyang gagastahin.

Kahit noong matuklasan pa lamang mula sa colonoscopy na may bukol ang bituka niya, agad siyang nagpaopera.

Bukod sa magastos, alam niyang matagal, mahirap at masakit ang gamutan sa kaniyang sakit. Wala pang katiyakan kung gagaling siya.

Gayunman, handa siyang magbaka-sakali. Gusto niyang humaba pa ang kaniyang buhay. Ang mahalaga ay may pag-asa pa siyang gumaling.

‘Buti nga siya, naisaloob niya. Kailangan lamang magtiis ng hirap at sakit sa pagpapagamot. Maraming may sakit na kanser na hindi malaman kung saan kukunin ang perang gagamitin para sa pagpapaopera, chemotherapy at radiotherapy. Naawa siya sa mga iyon.

Todo-suporta ang misis niya. Ipinagmamaneho siya nito sa pagtungo niya sa ospital. Ipinagluluto siya nito ng mga pagkaing sinabi ng oncologist na makabubuti sa kaniya. Ibinibili siya ng mga gulay at prutas. Lagi siyang inaaliw nito. Pinalalakas ang kaniyang loob. Hindi ito nagrereklamo.

Gayundin ang kaniyang tatlong anak. Laging pinalalakas ng mga ito ang kaniyang loob.

Kahit ang mga magulang at mga kapatid niya ay laging nangungumusta. Pinalalakas din ng mga ito ang kaniyang loob.

Pagpapagaling lamang talaga ang iniintindi niya.

Iniingatan niya nang husto ang sarili habang sumasailalim sa chemotherapy. Mahina ang kaniyang immune system dahil sa gamot. Isa pa, binilinan siya ng oncologist na: “Mas maganda kung tuluy-tuloy ang chemo at radiation.” Puwedeng matigil ang mga ito kung magkakasakit siya.

Sa hapon, kapag lumalamig na ang hangin habang nag-uupo siya sa terrace ay pumapasok na agad siya. Nagsusuot siya ng mask kapag nagtutungo siya sa mga lugar na maraming tao, tulad ng ospital.

Husto siya sa pahinga. Naglalakad din siya kahit sa loob lamang ng bahay nila bilang ehersisyo.

Maingat siya sa pagkain. Ang kinakain lamang niya ay ang mga pagkain na sinabi ng oncologist na makabubuti sa kaniya, tulad ng isda, gulay at prutas. Kung kumakain man siya ng karne ng baka, kaunti lamang. Hindi siya kumakain ng baboy. Ganap din niyang iniwasan ang processed food, gaya ng ham at hotdog.

Tulad sa maraming may sakit na kanser, kumakain din siya ng guyabano. Gayunman, hindi nangangahulugang ganap siyang naniniwala sa sinasabi ng mga nagbebenta ng herbal products na mas mabisa ito nang kung ilang doble kaysa sa chemotherapy.

Oo, inaamin niyang gusto niyang nakatutulong nga ito sa paggaling ng kanser niya. Gayunman, ang pangunahing dahilan kaya kinakain niya ito ay masarap at masustansiya ito bilang prutas. At ligtas, totoo man o hindi na nakatutulong ito sa paggaling ng kanser. Kaya nga hindi herbal products ang binibili niya. Ang binibili niya ay sariwang prutas. Kinakain niya ang laman at kung minsan naman ay bine-blender saka iniinom.

Lalo rin siyang nagbasa ng mga artikulo sa Web tungkol sa kaniyang sakit.

Kapag narinig niya na tinatalakay ito sa radyo, pinakikinggan niya nang husto.

Pinakikinggan din niya ang kuwento ng mga kaibigan at kakilala niya tungkol sa ibang mga tao na nagkasakit ng kanser, lalo na ang mga gumaling. Baka sakaling may mapulot siya para sa paggaling niya.

Isa sa mga ito ay ganito ang kuwento sa kaniya:

“Me kakilala ako na nagkaroon din ng ganyang sakit. Stage 4.”

“Stage 4! Kumusta na siya ngayon?”

“Awa ng Diyos, buhay pa rin naman.”

“Buhay pa! Ilang taon na ba mula nang matuklasan ang kanser niya?”

“Mahigit sampung taon na.”

Humanga siya. Ayon sa kaniyang oncologist, kapag buhay pa rin ang isang tao pagkalipas ng sampung taon makaraang matuklasang may colorectal cancer ito, talagang magaling na ito. Parang hindi na nagkasakit ng kanser ang taong iyon, sabi pa ng oncologist.

“Ano ang ginawa?”

“Me nilaga siyang ugat na galing sa gubat. Iniinom niya ang pinaglagaan.”

Nalungkot siya sa narinig. Inisip niyang baka hatol ng albularyo ang ugat na iyon. “Baka me bulung-bulong ‘yan…” sabi niya.

“Wala raw.”

“Talaga?”

“Oo.”

“Hindi na siya nag-chemo at radiotherapy?”

“Ginawa niya ang mga sinasabi ng duktor. Pero ininom pa rin niya ang pinaglagaan ng ugat na iyon.”

“Hindi kaya gumaling talaga siya sa panggagamot na sinasabi ng duktor?”

“Ang ugat na iyon daw talaga ang nagpagaling sa kaniya. Inirerekomenda pa nga niya iyon sa mga nagkakasakit na tulad ng sa kaniya.”

“Paanong paglalaga ang ginagawa niya?”

“Hinuhugasan muna. Tapos, hinahati-hati. Saka, inilalaga.”

Nang makaalis na ang kaibigan, mataman siyang nag-isip. Natitiyak niyang hindi pa sinasang-ayunan ng siyensiya ang ugat na iyon bilang gamot.

Gayunman, gumaling pa rin ang taong iyon kahit nasa Stage 4 na ang colorectal cancer!

Ganap ang paniniwala niyang makatwiran lamang na sundin ang medisina. Talaga namang napakaraming maysakit na gumaling at nadugtungan ang buhay dahil sa medisina.

Gayunman, sa pagbabasa na rin niya ng mga artikulo sa medisina, nalaman niyang laging may nababago sa mga paniniwala tungkol sa mga sakit, mga gamot at mga paraan ng panggagamot dahil sa mga bagong natutuklasan.

Marami pang hindi alam ang tao, siyensiya na rin ang nagpapatunay.

Malay niya, baka talagang nakapagpapagaling ang ugat na iyon. Hindi pa lamang natutuklasan ng siyensiya. Sino nga ba ang makapagsasabi?

Tiyak namang hindi lason iyon. Hanggang ngayon ay buhay pa ang taong uminom ng pinaglagaan niyon.

KINABUKASAN ng umaga, tinawagan niya sa telepono ang kaniyang kaibigan. Ito naman ang nakasagot.

“Makokontak mo ba ‘yung kakilala mo? Gusto kong malaman kung paano makakakuha ng ugat na iyon,” sabi niya.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.