
Opinions
Ni Nestor Barco
HINDI, hindi na siya interesado pang tanghaling dakila kahit pa bata pa siya ay nangangarap na siya niyon. Kung bakit? Ganito ang nangyari:
MAY lumapit sa kaniya na isang sikat na sports columnist/radio-TV host. Inalok siya nito na pasisikatin siya nang husto. Dadakilain siya, sabi nito. Yayaman din siya nang husto, dagdag nito. Malapit na siyang lumipad noon patungo sa United States upang maglaro sa NBA. Kinilig nang husto ang mahaba niyang katawan. Sa kaniyang isip, nakita niya ang sarili na sinasabitan ng medalya, kinakamayan ng matataas na opisyal ng pamahalaan at binibigyan ng hero’s welcome. Sa lahat ng ito, nakatutok sa kaniya ang kamera.
“Sir, kelan po ‘to tayo magsisimula?” tanong niya. Kasama niya ang ama sa pakikipag-usap.
“Sa lalong madaling panahon.”
“Talaga po?”
“Oo.”
Abot-na-abot-kamay na talaga niya ang mga pangarap, naisaloob niya. “Ano po ang kailangan nating gawin?” tanong niya.
Ipinaliwanag nito sa kaniya:
SISIMULAN siyang bigyan ng malawakang publisidad. Magiging laman siya ng balita sa TV, radyo, Web, diyaryo at paksa ng write-up sa magasin.
Sa mga interbyu, sasabihin niyang nagpapakahirap siya sa praktis at nakikipagbanggaan ng katawan sa laro alang-alang sa bayan. Sa kaniyang sarili, bale-wala sa kaniya ang salapi at katanyagan. Ang lahat ng ginagawa niya ay para sa bayan. Palilitawin nilang binibigyan niya ng napakalaking karangalan ang mga kababayan sa pamamagitan ng paglalaro niya sa NBA. Sa ganitong paraan, ayon sa kaharap, magmumukha siyang bayani. Susuportahan siya ng kaniyang mga kababayan. Dudumugin ng mga Pilipinong nasa US ang mga laro ang team nila. Ang mga Pilipinong nasa Pilipinas naman ay manonood sa TV. “Lalong matutuwa sa iyo ang NBA dahil nakatutulong ka para lalo silang lumakas at kumita nang malaki,” sabi pa ng kaharap.
Ilalarawan siya bilang bukas ang palad sa kapuspalad. Magiging bukambibig niya ang pagmamalasakit sa mga maralita. Subok na subok ang ganitong publicity stunt, paliwanag ng sports columnist/radio-TV host. Tiyak na dadakilain siya, dugtong nito. Saka ito nagtawa nang nagtawa.
Ayon pa rito, napakagandang pagkakataon ang bagyo at lindol upang lalo siyang sumikat. Kapag nasa Pilipinas siya, dadalhan niya ang mga biktima ng relief goods. Kapag nasa US siya, sasabihin niyang kung maaari lamang ay lumipad siya para sa mga kababayan. Kung hindi talaga siya puwedeng umuwi, magpapadala siya ng tulong. Laging may media coverage ang bawat pagtulong niya.
Sasamantalahin nila ang pangyayaring may mga pulitikong mahilig sumakay sa anumang isyu na magkakaloob sa mga ito ng publisidad. Makikipagmabutihan sila sa mga ito upang bigyan siya ng mga parangal habang pumapapel ang mga ito. Siguradong magkakaroon siya ng “hero’s welcome.” Mababalita siya sa TV, radyo, Web at diyaryo. Magkakaroon siya ng write-up sa magasin. Hahanga sa kaniya ang buong mundo. Malay ba naman ng mga iyon na sumakay lamang sila sa takbo ng pulitika at komersiyalismo ng mass media, sabi ng kaharap.
Kapag sikat na sikat na siya, magkakaroon siya ng mga endorsement. Malamang na mas malaki pa ang kikitain niya sa mga iyon kaysa paglalaro, paliwanag pa nito.
Kapag may Pilipino na pumupuna sa kaniya, pararatangan agad nila ito na naiinggit at utak-talangka. Sa gayong paraan, sabi ng kaharap, matitigil ang mga puna laban sa kaniya. Lahat ay puro magaganda ang sasabihin sa kaniya. Malamang pa ngang mag-isip talaga ang mga ito na ang tagumpay niya ay tagumpay rin ng mga ito dahil walang gustong umaming naiinggit at utak-talangka, sabi ng kaharap bago nagtawa uli nang nagtawa.
Hindi siya dapat mabahala sa itutulong nila sa mga kababayan. “Maliit na maliit na bahagi lamang iyon ng kikitain mo,” sabi ng kaharap.
Ang gagastusan nila nang husto ay publisidad. Naroon ang buhay niya, sabi nito. Bukod sa sobreng may lamang pera na ipamumudmod nila, sagot din nila ang tutuluyang hotel, ang pagkain at inumin ng mga taga-media na karay-karay nila sa mga lugar na nilindol at binagyo. Kahit walang kalamidad, kailangang lagi siyang ibinabalita sa TV, radyo, Web at diyaryo at nagkakaroon ng write-up sa magasin upang manatili siya sa kamalayan ng publiko, sabi ng kaharap. Madali lamang iyon basta ihanda niya ang pera, dagdag nito. Binanggit din nitong kailangang pagkasunduan nila ang bayad sa serbisyo nito.
“Sulit na sulit naman ang gagastahin mo. Sisikat ka nang husto. Dadakilain ka. Napakalaki ng kikitain mo,” paniniyak nito.
GAYUNMAN, nagsimula siyang mag-isip nang nag-iisa na siya sa bahay nila.
Wala namang problema sa kaniya ang pera. Malaki ang susuwelduhin niya sa paglalaro sa NBA.
Nag-aalangan siya sa gagawin nila.
Unang-una, baka magkandautal siya kapag sinabi niyang para sa bayan lahat ang ginagawa niya. Hindi siya sanay magsinungaling. Bata pa siya ay hilig na niya ang paglalaro ng basketball. Hindi para kaninuman kaya siya naglalaro nito. Kahit nga hindi kumain, basta makapaglaro ng basketball ay masaya na siya. Kaya nga siya humusay sa paglalaro ng basketball na naging daan upang maging star player sa kolehiyo, makapaglaro sa PBL, PBA, mapabilang sa national team at ngayon ay makapaglaro sa NBA. Siya rin ang susuweldo ng dolyar. Siya ang sisikat.
Hindi niya gustong ikatuwa pa nila ang pagkakaroon ng bagyo at lindol, na maraming namamatay at napipinsala, para lamang lalo siyang sumikat.
Nag-aalangan din siyang makipagmabutihan sa mga pulitikong mahilig sumakay sa isyu kahit hindi nakabubuti sa bayan.
Hindi rin niya gusto na pararatangan agad nilang naiinggit at utak-talangka ang mga kababayan para lamang huwag magsalita o mag-isip ang mga ito nang laban sa kaniya.
Totoo, gusto niyang dakilain siya. Gayunman, nagmamalasakit din siya sa kaniyang kapuwa.
Binanggit niya sa mga magulang ang gumugulo sa isip niya. “Makikipag-usap po uli ako,” sabi niya.
“Anak, nasa iyo ‘yan. Career mo ‘yan. Narito lamang kami upang payuhan at suportahan ka,” sabi ng ama. Tatangu-tango ang ina.
“Salamat po.”
“PERO ginagawa ng mga naging sikat ang gagawin natin,” sabi ng sports columnist/radio-TV host nang mag-usap uli sila. Kasama uli niya ang ama. “May sinusunod na script ang mga iyon. Kung ano man ang tingin sa kanila ng publiko, hindi nangangahulugang ganoon nga sila sa tunay na buhay.”
Naisip niya ang mga kababayan. Marami ay nagpapakahirap sa paghahanapbuhay pero karampot lamang ang kinikita at hindi binibigyang halaga. Mahalaga pa naman ang papel na ginagampanan ng mga ito sa takbo ng buhay ng mga tao, tulad ng pagdudulot ng pagkain, pagtatayo ng bahay at gusali at pagtatrabaho sa mga opisina,pabrika at pataniman.
Marami lamang nanonood ng basketball kaya sikat at malaki ang kinikita ng mga manlalarong tulad niya, naisaloob niya.
Tuluyan na siyang nawalan ng interes na dakilain ng mundo.
SIYA ay dinadakila. Kung paano nangyari? Ganito:
Ibinuhos niya ang lakas at panahon sa paglalaro ng basketball. Hilig naman talaga niya ito. Ipinanganak din siyang matangkad. Binigyan din siya nito at ang kanilang pamilya ng maginhawang buhay. Binata siya, pangalawa sa apat na magkakapatid. Kusang binabanggit sa TV, radyo, Web, diyaryo at magasin ang malalaking ambag niya upang manalo ang kanilang team.
Tumulong siya sa mga kababayan niyang nagdarahop at biktima ng mga kalamidad, tulad ng bagyo at lindol. Sumasama rin siya sa iba pang NBA players at international celebrities sa pagtulong sa mga mamamayan ng mga bansang tinatamaan ng bagyo, lindol, tsunami, taggutom at digmaan, na kasali kung minsan ang Pilipinas. Sa lahat ng ito, iniiwasan niya ang publisidad. Gusto lamang talaga niyang tumulong sa kapuwa. Alam din niyang utang niya sa mga kababayan at mga taga-ibang bansa na mahilig manood ng larong basketball ang lahat ng tinatamasa niya at ng kanilang pamilya. Sa kaniyang pagtulong, nagbabalik lamang siya. Natagpuan niyang may ibang celebrities din na gusto rin lamang tumulong, hindi naghahangad ng publisidad. Lalong hinangaan ang pagtulong niya dahil inililihim niya. Kusa lamang talagang nabubunyag. Habang tumutulong siya sa kapuwa nang wala siyang hatak na camera man, lalo siyang sumisikat. Lalong kinikilala ang kaniyang kadakilaan. Hinahabol siya ng endorsement. Siya pa ang namimili, hindi tanggap nang tanggap.
Taos na taos sa puso niya kapag sinasabi niya:
“Maraming, maraming salamat po sa mga sumusuporta sa akin. Kung hindi dahil sa inyo e wala ako sa kinalalagyan ko ngayon.”
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.