
Opinions
Ni Nestor Barco
SA pagkakaalam niya, health conscious si Gene. Kaya nagtataka si Atoy kung bakit panay ang lapit nito sa bago nilang kaklase na si Pauline.
SA nursery pa lamang, magkaklase na sila ni Gene sa private school na iyon. Nasa third year na sila ngayon sa haiskul. Natatandaan niyang noong maliliit pa sila, lagi itong pinapayungan ng yaya nito kung mainit o umuulan. Lagi itong may sapin na bimpo sa likod. Lagi rin itong ipinagbabaon ng pagkain at inumin. Hindi ito bumibili sa canteen.
Nakita niyang dinala ni Gene sa paglaki ang ugaling pag-iingat sa kalusugan.
Lagi itong may suot na raincoat at may dalang payong kapag umuulan.
Kapag mainit naman ang panahon, lagi itong may baong ekstrang kamiseta upang magpalit ng suot kapag pinawisan.
Nasasaksihan din niyang maingat si Gene sa pagkain. Masusustansiya ang kinakain at iniinom nito, tulad ng sandwich at juice. Madalang itong kumain ng junk food o uminom ng soft drinks.
Kumpleto rin ito sa ehersisyo. Lagi itong naglalaro ng basketball sa paaralan nila.
Nakikita naman niyang laging masigla si Gene. Hindi ito sakitin. Laging nakangiti.
NAPUNA ni Atoy ang pagiging health conscious ni Gene dahil siya man sa kaniyang sarili ay maingat sa kalusugan.
Lagi siyang may baong raincoat o dalang payong upang hindi mabasa ng ulan.
Lagi siyang may baong ekstrang kamiseta upang magpalit ng suot kapag pinawisan.
Masusustansiya ang kinakain niya.
Natutulog siya nang sapat sa oras.
Nag-eehersisyo.
At lumalayo siya sa mga tao at lugar na puwedeng mahawa siya o magdulot sa kaniya ng sakit.
Hindi siya lumalapit sa mga taong may lagnat.
Lumalayo siya sa mga taong pasinga-singa at uubu-ubo.
Nagtatakip siya ng bibig at ilong kapag may usok ng sasakyan o maalikabok.
TRANSFEREE sa paaralan nila si Pauline.
Lumipat ito ng paaralan dahil lumipat ng tirahan ang pamilya nito. Dating sa Pasay City nakatira ang pamilya nina Pauline. Nakabili ang mga magulang nito ng house and lot sa isang subdibisyon sa City of Imus, Cavite.
Madali namang nakasundo ni Pauline ang mga kaklase nilang babae.
Napupuri rin ito ng mga guro nila. Matataas ang grades nito sa exams at laging nakasasagot sa recitation.
Sa tingin niya, ilang kaklase nilang lalaki ang humahanga kay Pauline.
KUNG tutuusin, nagkaroon si Atoy ng pagkakataong maging malapit kay Pauline.
Noong bagu-bago pa lamang nagsisimula ang klase nila, nginingitian siya nito. Kinakausap siya.
Nginingitian at kinakausap din naman niya si Pauline.
“Matagal ka na ba sa school na ito?” natatandaan pa niyang tanong nito sa kaniya noon.
“Nursery pa lamang dito na ‘ko,” sagot niya. Sa tingin niya, naghahanap ito ng magiging kaibigan o kakampi.
Kaya lang, napansin niyang lagi itong sumisinga sa virgin pulp hand towels, hinahatsing at nagluluha ang mga mata.
Kaya kung nakikipag-usap man siya, hindi siya masyadong lumalapit kay Pauline. Hindi rin niya tinatagalan ang pakikipag-usap.
Naramdaman yata si Pauline na umiiwas siya. Kusa itong tumigil sa paglapit sa kaniya.
Ngayon, hinahabul-habol lagi niya ng tingin si Pauline.
SINUSUNDAN ni Atoy ng tingin kapag magkausap sina Pauline at Gene.
Binabasa niya ang mga mata ng dalawa kung may kahulugan kapag nagtitinginan ang mga ito.
Tinatantiya niya ang layo ng mga katawan ng dalawa sa isa’t isa kapag sabay na naglalakad ang mga ito.
Tinitingnan din niya kung nagkakabungguan ang mga kamay ng dalawa kapag magkalapit o sabay na naglalakad ang mga ito.
Sabagay, mga kaklase pa rin nilang babae ang laging kasama ni Pauline, tulad sa oras ng kainan nila.
Wala rin namang balita sa paaralan na mag-boyfriend na ang dalawa. O kahit nililigawan man lamang ni Gene si Pauline.
Kahit paano, nagpapaluwag iyon sa kaniyang kalooban.
Gayunman, pinag-iisipan pa rin niya kung bakit panay ang lapit ni Gene kay Pauline.
NAIPASYA ni Atoy na kausapin ang isang kaibigang lalaki ni Gene.
“Hindi mo ba napapansin, panay ang lapit ni Gene ke Pauline?” panimula niya.
“Nakikita ko nga,” sagot nito. “Bakit?”
“Akala ko ba, health conscious si Gene…”
“Health conscious nga.”
“E, bakit parang hindi siya takot mahawa ke Pauline?”
“‘Yun bang pagsinga-singa at paghatsing ni Pauline ang sinasabi mo?”
“Oo.”
Biglang nagtawa ang kausap. “Health conscious nga si Gene kaya alam niyang hindi nakakahawa ‘yon.”
“Ha! Pa’no nangyari ‘yon?”
“Laging nagbabasa si Gene tungkol sa health. Lagi rin siyang nagtatanong sa duktor. Kaya alam niyang allergic rhinitis ang problema ni Pauline. Hindi nakakahawa ‘yon.”
“Allergic rhinitis?”
“Oo, allergic rhinitis. Hindi nakakahawa ‘yon. Tingnan mo, nagkasipon ba si Gene?”
Naisip niyang hindi nga. “Hindi kaya malakas lang talaga ang immune system ni Gene?” binanggit niya.
“Kung sa lakas, tiyak na malakas ang immune system ni Gene. At baka rin talagang hindi nakakahawa si Pauline. Hindi naman nahahawa si Gene kaya kahit paano ang sabihin, wala naman sigurong problema.”
PAG-UWING-PAG-UWI, binuksan ni Atoy ang laptop. Nagtungo siya sa Google. Nag-type siya: Is allergic rhinitis contagious. Ganito ang mga sagot:
Intelihealth: “Allergic rhinitis is not contagious (spread from person to person). Children with allergic rhinitis usually don’t need to miss school or day care, but if they do, they can go back as soon as they feel well enough…”
Sterimar: “Infectious rhinopharengitis (caused by microbial or viral infection) is contagious unlike allergic rhinitis…”
The Nasal Doctor: “Generally, allergies are not contagious and people do not have to worry about this…”
WebMD: “Allergies are not contagious, although some people may inherit a tendency to develop them…”
Doctor answers on Health Tap: “Allergic rhinitis is not contagious. It is not an infectious disease, thus you cannot transmit or be infected by allergies…”
Lambot na lambot siya.
Bale ba, kaya siya umiwas noon kay Pauline ay dahil natatakot siyang mahawa.
Nagtatanong naman siya sa duktor, nagbabasa naman siya tungkol sa kalusugan, bakit ba hindi siya nakapagtanong o nagbasa tungkol sa allergic rhinitis! nasabi niya sa sarili. Inisip na niya agad na nakahahawa si Pauline!
SA kasalukuyan, pinakikiramdaman pa rin niya ang dalawa.
Nanliligaw ba si Gene kay Pauline? Mag-boyfriend na ba ang dalawa? O magkaibigan lamang talaga ang mga ito?
Pinakikiramdaman din niya ang sarili kung ano talaga ang nararamdaman niya para kay Pauline upang alamin ang susunod niyang hakbang.
Hirap na hirap siyang mag-aral dahil sa lungkot. Nabibigatan din siyang dalhin ito sa dibdib.
Bukod pa nga sa naririnig at nababasa niyang hindi maganda sa kalusugan ang pagiging malungkot.
Hindi puwedeng lagi siyang ganito, naisaloob niya.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.