
Opinions
![]() | Kapiling ng pamilya sa Pasko |
Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.
Pasko. Pinakapaboritong pagdiriwang ng taon para kay Juliette ngunit kamuntik nang maging okasyong katatakutan niyang dumating at magbabadya ng pagkakabuklod ng pamilya niya. Ang dahilan ay hindi niya sinadya. Ang dahilan ay hindi niya kagustuhan at hindi niya naiwasan. Salamat at sa Paskong ito ay makakadama siya ng ligaya sa buhay niya at ito ay tunay na himala ng langit.
Sa loob ng maraming buwan ay parang bilanggong walang lakas ng loob na lumabas ng bahay nila si Juliette, takot na makihalubilo sa ibang tao, takot na pumunta sa lugar na maraming tao.
Noong unang inatake ng matinding nerbiyos o panic attack si Juliette ay may miting ang mga magulang at mga guro sa auditorium ng eskuwela. Isa lamang ito sa maraming mga miting na dinadaluhan niya. Walang libreng oras ang kaniyang mga araw. May part time siyang trabaho. Siya ang namamahala o nag-oorganisa ng mga kung anu-anong proyekto ng eskuwela at ng komunidad. Isang milyong mga bagay yata ang pinagkakaabalahan ng isip niya. Ilang beses na siyang naging presidente ng ganito’t ganoong organisasyon. Kasalukuyang may debate tungkol sa isang isyu sa eskuwela nang makaramdam si Juliette ng parang nag-aalab na kaba sa dibdib niya. Itinuon niya ang isang kamay sa dibdib. Natakot siya. Malakas at mabilis ang tibok ng puso niya. Habang tumitindi ang kaba niya ay nagsimulang umikot ang tingin niya.
Kinailangang umalis siya sa lugar na iyon. Sinunggaban niya ang handbag niya at coat at halos magkandarapang nilisan ang malaking auditorium. Nilinga siya ng nagtatakang mga kakilala at kaibigan. Bumuti ang pakiramdam niya nang nasa pasilyo na siya ng eskuwela. Ngunit nanginginig pa rin ang lahat ng kaniyang kalamnan. Huminto siya sa isang water fountain at uminom. Nangangatal ang mga kamay niya. Mabagal at maingat siya sa pagmamanehong pauwi.
“Kailangang maging kalma ako. Mag-relax,” bulong ni Juliette. Paano niya makakalma ang sarili niya? Nasobrahan na kaya siya sa mga ginagawa? Ano ang nangyayari sa kaniya? May malala kaya siyang sakit na hindi niya alam?
Sinalubong siya ng asawang si Rolly ng yakap. “Maaga bang natapos ang miting? May mga debate ba?”
“Mayroon gaya nang dati pero nagkasundo rin ang lahat,” pagkakaila ni Juliette. Hindi niya sinabi sa mabait na asawa ang totoo. Bakit bibigyan pa niya ito ng problema? Pagod ito sa mahahabang oras ng trabaho bilang manager ng hardware department sa kompanyang pinapasukan.
Sampung taon na silang kasal ni Rolly. Maligaya sila at nagmamahalan. Hindi kumukupas ang tamis ng kanilang pagsasama. Wala siyang maipipintas sa asawa. Mabuti itong asawa at ama. Naisip ni Juliette na ang naramdaman niyang episodyo sa auditorium ay dala lamang ng pagod. Hindi na mauulit iyon.
Ang mga sumunod na araw ay abala para kay Juliette. Napakarami niyang inaasikaso nang sabay-sabay. Halos hindi na niya magawa ang mga gawain sa bahay.
Isang hapon ay nagdaan sa grocery store si Juliette para mamili ng mga kailangan nila sa pagkain sa buong linggo. Naisip niyang matutuwa ang mag-aama pag nagluto siya. Inaabot niya sa itaas na shelf ang isang kahon ng cereal para sa bunso niya nang maramdaman niyang parang may bumikig sa lalamunan niya. Lumunok siya. Hindi siya makahinga. Panic ang naramdaman niya. Labis na panic at nerbiyos. Napasandal siya sa itinutulak na cart. Iniwan niya ang cart at tumakbong palabas. Nabangga niya ang isa nilang kaibigang doon nagtatrabaho.
“May dinaramdam ka ba, Juliette? Putlang-putla ka. Halika sa lounge ng mga empleado” Inalalayan siya nito sa siko, iniupo sa lounge. Pinainom ng tubig. Hindi niya alam ay tinawagan nito si Rolly na humahangos na dumating.
“Juliette, dadalhin kita sa doktor,” wika nito agad at isinakay siya sa kotse at dumeretso sila sa doktor. Umuwi siyang may dalang reseta ng tranquilizer.
“Kung ano man ang nararamdaman mo ay maaaring gamutin. Subukan mo muna ang tranquilizer at tingnan natin kung makakatulong sa iyo. Bawasan mo pati ang mga activities mo. Baka masiyado kang stressed out at pagod.”
Iyon din ang sinabi ng kaibigan niyang si Paz. Inalok nitong ito na muna ang gagawa ng iba niyang tinanguang responsibilidad.
“Hindi. Kaya ko,” tanggi ni Juliette.
Naging abala pa rin si Juliette ngunit nagsimulang dumalas ang dating ng mga atake niya kaya’t napilitan siyang putulin ang ibang mga activities na tinanguan niya. Hindi na siya nagbigay ng kung anu-anong katwiran. Sinabi niyang hindi niya magagawa. Nag-iiyak ang panganay niya nang hindi siya sumama sa field trip ng klase nito. Hindi na siya dumalo sa mga miting. Iniwasan niyang pumunta sa mga lugar na maraming tao. Lalo na ang mga lugar na nakaranas siyang magkaroon ng atake. Sa loob lamang ng bahay ang panatag ang loob niya at wala siyang takot. Hindi pa siya nagkakaroon ng atake sa bahay. Pati sa simbahan ay hindi siya sumasama. Kung anu-anong dahilan ang ibinibigay niya. Awang-awa siya sa mag-aama na nagsisimbang hindi siya kasama. Sa matalik na kaibigan lamang niyang si Trudi ipinagtapat niya ang mga atake niya at ang mga takot niya.
“Kumuha ka ng opinyon ng ibang doktor. Matanda na ang family doktor ninyo. Bata ka pa, doktor mo na siya. Humanap ka ng bata-bata,” payo ni Trudi.
Sinunod naman ni Juliette ang kaibigan. Ibang tranquilizer na naman ang inireseta sa kaniya. Parang hindi napakinggan ang mga inilahad niyang dinaramdam. Wika’y normal ang resulta ng mga tests. Ano pa ang magagawa ni Juliette?
Naging maiinitin ang ulo ni Juliette lalo na sa mga bata. Lagi niyang nasisigawan ang mga ito.
“Ano ba ang nangyayari sa iyo, Juliette? Wala namang ginagawang napakagrabe ng mga bata. Normal na kilos ng mga batang lalaking ganiyan ang edad. Binubulyawan mo palagi. Ayaw na tuloy lumapit sa iyo ang mga bata,” puna ni Rolly.
Alam ni Juliette na nasa kaniya ang diprensiya ngunit hindi niya malaman kung paano tutulungan ang sarili, kung paanong titigil ang mga atake na hindi niya alam kung kailan darating.
Ilang beses na nagsikap si Rolly na lambingin siya at tinabig niya ito. Kitang-kita niyang nasaktan niya ang loob ng mabait na asawa. Pagkatapos ay mag-isang nanangis si Juliette. Lumalayo ang loob sa kaniya ng mga anak. Pati si Rolly ay malamig ang trato sa kaniya. Hindi masisisi ni Juliette ang asawa. Ang pakiramdam marahil nito ay naririmarim siya rito pag hinawakan siya. Unti-unting nawawasak ang kaligayahan ng kanilang tahanan dahil sa problema ni Juliette.
Malapit nang magpasko at bago magbakasyon ay may mga palabas sa eskuwela. Tuwang-tuwang umuwi isang hapon si Jun-Jun, ang panganay niya pagka’t napiling maging San Jose sa pageant nilang pamasko. Sa ama ibinalita ngunit pagkatapos ay bumaling kay Juliette.
“Panonoorin ninyo ako ng Daddy, hindi ba, Mommy?” tanong nito na parang inaapuhap sa mukha ni Juliette ang pagsang-ayon.
“Hindi ko palalagpasin,” sagot agad ng ama.
“Hindi ko pa alam,” ani Juliette. Alam niya ang mangyayari pag pumunta siya sa lugar na maraming tao. Idaraos na naman iyon sa auditorium ng eskuwela. Kung saan siya unang nagkaroon ng panic attack.
Sumibi na si Jun-Jun, na agad inakay ng ama at inilabas. Halos mawasak ang puso ni Juliette. Nasasanay na ang pamilya na hindi siya makakapunta kahit saan pagka’t madalas ay may dinaramdam siya na hindi nila alam kung ano.
Excited ang boses ni Trudi nang tumawag kay Juliette.
“May isang doktor na espesyalista na may mga kasong tulad ng sa iyo. Nagkataong problema rin iyan ng pinsan ko. Natulungan siya ng doktor na ito. Kinuha ko ang pangalan at telepono. Subukin mo. Walang mawawala sa iyo,” payo ni Trudi.
Gumawa ng appointment si Juliette at sabik na nagkonsulta sa doktor na nagkataong isang babae. Nang sabihin niya rito ang mga nararamdaman niya at ang pangingipuspos niya dahil walang makatulong o makaunawa sa kaniya ay nakinig itong mataman ngunit tatangu-tango. Iniksamen si Juliette pagkatapos. Pigil ang hiningang nakinig si Juliette sa sasabihin nito.
“Ang nararanasan mo ay grabeng anxiety o panic attack. Madalas ay ipinagkakamali ng mga tao na atake sa puso. Kung akala mo ay ikaw lamang ang nakakaranas niyan ay nagkakamali ka. Ang totoo ay may isa akong grupo ng mga pasyente na ganiyan ang problema. Support group ito. Kung gusto mong dumalo ay makakatulong sa iyo. Hindi kita bibigyan ng resetang iinumin. Subukin mo munang dumalo sa miting. At ang una mong gawin ay kausapin ang asawa mo at sabihin mong lahat ang mga nararamdaman mo, ang mga takot mo. Malaki ang maitutulong na katuwang mo sa problemang ito ang pamilya mo.”
Nabuhay ang pag-asa sa puso ni Juliette sa sinabi ng doktora. Pagdating na pagdating ng bahay ay ipinasiyang kakausapin ang asawa. Gabi na nang dumating ito. Di tulad nang dating tulog na siya, hinintay ni Juliette si Rolly. Isiniwalat lahat ng mga nararanasan niyang paghihirap ng katawan at ng kalooban. Napahagulgol siya. Hindi malaman ni Rolly ang gagawin. Niyakap siya nang mahigpit, hinaplus-haplos sa likod, sa buhok. Punung-puno ng pag-unawa at pagmamahal ang mga salita nito.
“Kung sinabi mo lamang sa akin agad, hindi ka sana mag-isang nagdusa. Lagi akong narito para sa iyo, Juliette. Ismarte ang mga anak natin kahit bata pa sila. Ipaliliwanag ko ang problema mo sa paraang maiintindihan ng kanilang musmos na isip. Huwag kang mag-alala. Lilipas din ang mga maiitim na ulap na ito sa ating buhay.”
Dumalo sa miting ng support group si Juliette. Nakinig siya sa mga karanasan ng kagrupo niya. Nadama niyang hindi siya nag-iisa sa kaniyang mga nararamdaman. Tinuruan sila ng doktora ng mga technique sa paghinga para huwag matuloy ang atake at habang inaatake kung hindi maiiwasan. Tinuruan sila kung paanong pakiharapan ang mga takot nila. Natutuhan ni Juliette na pakinggan ang sinasabi ng katawan niya para mapigilan ang pagdating ng atake.
Mabagal, unti-unti, ay nababawasan ang mga atake ni Juliette. Nagsimula na naman siyang sumubok na pumunta sa mga lugar na kinatatakutan niya. Pag inatake siya ay alam niya kung paanong hihinga nang malalim para lumipas ang atake agad.
Bumalik ang pagmamahal ni Juliette sa panahon na kapaskuhan. Dalawang linggo pa bago magpasko ay nagsimula na siyang mag-bake ng mga makukulay na cookies na paborito ng dalawang anak. Ngayon ay malambing na naman ang mga ito sa kaniya. Lalong naging matibay ang pagmamahalan nila ni Rollly.
Panatag na nakaupo sa tabi ni Rolly si Juliette habang nagaganap ang Christmas pageant sa eskuwela ng mga anak nila. Sa tuwa ni Jun-Jun ay kumaway pa sa kanila sa kalagitnaan ng pageant. Natawa ang mga nanonood. Tawang natutuwa. Malutong at masaya ang halakhak ni Rolly. Masaya at walang takot ang halakhak ni Juliette. Pandalas ang palakpak niya. Salamat at sa Paskong ito ay kapiling niya ang pamilya sa puso at sa pag-ibig.
WAKAS