Published on

    Boosting ng baterya

Mahigit sa 90% ng pagkakataon pag tinanong mo ang tow truck drivers, tino-tow nila ang sasakyan papunta sa repair shop sa kadahilanang ayaw itong mag-start. May problema sa charging or starting system ng sasakyan.

Alalahanin natin na kapagka ganitong lumalamig ay may mga bagay o practice tayong ginagawa na nakakadagdag sa load ng ating baterya na siyang kumakain sa power na pino-produce ng charging system ng atin mga sasakyan. Tulad ng pagapa-init ng sasakyan bago sumakay upang mag-warm-up. Kaya, mas matagal ang tinatawag na “idling”; bukas ang headlights, heater, defogger, seat heaters na malalakas kumunsumo ng kuryente ng sasakyan. Kaya nga kinakailangan na ihanda ang mga sasakyan kapag magwi-winter na dahil doble ang ginagawa nitong trabaho. Kaya mas malakas ma-discharge ang baterya. Kung ang cold cranking ampere (CCA) ng baterya mo ay mas mababa kaysa specified ng manufacturer ng sasakyan mo, asahan mo na di maibibigay nito ang mga pangangailangang elektrikal ng iyong sasakyan. Ang resulta? Dead na battery.

Nagiging automatic na response natin kapag dead ang battery ay boost or jump start kaagad. Maging ang mga tow-truck ay yun din ang karaniwang suggestion. Tandaan natin, kaya nga sila tow-truck drivers at di sila mekaniko, dahil di sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa sasakyan. Hirit pa natin, “baka sakaling, makuha sa boosting.” Subalit mga kabayan, ang mga anggulo na di natin nakikita ay mayroon bang puwedeng ma-damage sa aking sasakyan kapag basta-basta na lang pina-boost? Ang sagot po ay tumataginting na “Oo.” Kaya nga po ang ilang mga car manufacturers ay di nirerekomenda ang pag-boboost ng sasakyan. Ito po ay sa kadahilanan na ang electrical system, controls at computer boxes ng sasakyan ay maaaring masira kapag nagkaroon ng voltage surges sa electrical system habang nagboo-boost. Sinasabi rin nila na kaysa mag-boost ka, fully charged battery ang ipalit. Pero siyempre, sa totoo lang, paano mo naman gagawin yun di ba? Lalo na kung nasa gitna ka na ng mga namumuting yelo. Masuwerte ka kung sa pagkakatirik ng sasakyan mo ay may malapit na auto repair shop, auto parts store, battery store. Maaaring ipa-charge mo ang iyong dead battery, o “bite the bullet” ka na bumili ng bago.

Hanggat maaari ay huwag po tayong magpa-boost dahil nga sa mga posibleng damage na puwedeng magawa nito sa electrical system ng ating mga sasakyan. Subalit, kung di talaga maiwasan, ay ating isa-alang-alang ang mga sumusunod:

  1. Siguraduhin na bago mag-boost ay nakasara ang lahat ng electrical accessories – radio, headlights, dome lights, at lahat ng mga nakakabit sa cigarette lighters ay naka-unplugged sa parehong sasakyan. Ang pagboo-boost ay nagbibigay ng napakataas na voltage at amperage na dumadaloy sa electrical system na maaaring maka-damage ng mga nabanggit na electrical accessories.
  2. Ikabit ang booster cables at hayaang i-charge ng sasakyang tumatakbo ang dead battery ng dead na sasakyan nang ilang minuto. Tapos ay patayin ang makina ng tumatakbong sasakyan. Bakit po? Karaniwan sa atin ay iniiwan na tumatakbo ang makina ng sasakyang nagboo-boost subalit sa sandaling mag-crank na ang starter ng sasakyang may dead battery, ang alternator ng tumatakbong sasakyan ay nagpo-produce ng maximum electrical output. Kapag masyadong matagal ang cranking bago mag-start ang sasakyang may dead battery, ang alternator ng tumatakbong sasakyan ay maaaring madamage.
  3. Kapag naka-connect na ang mga cables, ang engine ng sasakyang may dead battery ay maaari nang mag-crank. Siguraduhin na hindi tatagal sa 15 seconds ang pagka-crank ng starter. Otherwise ang starter motor ay mag-overheat. Pagpahingahin ang starter at hayaang lumamig nang ilang minuto bago subukang i-crank uli.

Ilan pang paalala upang di ninyo kailanganin na mag-boost ng baterya:

  1. Panatiliin na malinis ang mga polo ng inyong baterya. Kailangan na walang corrosion o naimbak na tira ng asido sa paligid ng polo upang laging tuloy-tuloy ang daloy ng kuryente mula sa baterya papunta sa electrical system ng inyong sasakyan. Tubig lang po ang ipanglinis sa mga polo at lagyan ng kaunting grasa bago ikabit muli
  2. Maging ang battery cable clamps na humahawak sa mga poste ng baterya ay kinakailangan mapanatiling malinis.

Sa unang pagkakataon na hindi mag-crank agad ang inyong sasakyan, at sinubukan ninyong muli, at ito ay tumuloy, mapapabuntong hininga ka at sasabihin mo na “buti na lang nag-crank.” Pero, teka, teka. Bakit bigla na lang di nag-crank kanina? Dapat ay tanggapin mo ito bilang babala. Ibig sabihin ay hinuhudyatan ka na “there is trouble ahead.” Agad, bisitahin ang inyong baterya. Kung matapos na linisin ay papalya pa rin, makabubuting magpa-check ng status at health condition ng inyong baterya. Offhand, kapag sa ating pagkaka-alala ay parang nakakalipas na ang tatlo o apat na taon na di tayo nakakapagpalit ng baterya medyo mag-isip ka na talaga na palitan ito. Dahil sa malao’t madali, magpapaalam na ang baterya mo.

Ron Urbano is a Certified Red Seal Mechanic.

Have a comment on this article? Send us your feedback