Published on

    

Kailangan ko ba ng wheel alignment?

Kailan nga ba kailangan magpa-wheel align ng sasakyan? Karaniwang nagpapa-align lamang tayo kapag napuna natin na hindi pantay ang ating steering wheel o manibela – ang iba naman, kapag naramdaman na may kabig ang manibela. Para sa optimum fuel efficiency at para sa ikatatagal ng buhay ng mga gulong ng sasakyan, ang taunang pagpapa-align ay ating iminumungkahi, lalung-lalo na dito sa Winnipeg. Pagkatapos ng winter, kabila-kabila ang lubak na nagdudulot ng masyadong stress sa ating mga underchassis components tulad ng mga tie rod ends at ball joints na nakaka-off ng alignment ng ating mga gulong.

Anu-ano ba ang dapat nating malaman sa wheel alignment? Ang mga sumusunod na konsepto ay makapagbibigay sa atin ng karagdagang idea tungkol sa wheel alignment.

TOE

Ito ay puwedeng “toe-in” o kaya naman ay “toe-out.” Ang magiging reference natin dito ay ang mismong harapan ng gulong, yung matatanaw natin na pinakagitna kung tayo ay nakaharap sa ating sasakyan. Idiretso ang manibela (mas mainam kung umaandar ang makina para hindi puwersado ang inyong steering column). Ipuwesto ito sa pinakagitna at patayin ang makina. Lumabas ng sasakyan at silipin kung balanse ba ang gulong o pantay ang gulong magmula sa harap ay naka in-line ba ito sa likod?

Kung ang gulong sa harap ay mas nakapaling papasok sa loob nang bahagya man o malaki, ito ay tinatawag na “toe-in” at kung ito naman ay medyo nakapaling sa palabas, ito ay tinatawag na naka “toe-out.”

Posible bang ganoon din ang ating gulong sa likod? Ang sagot diyan ay “oo.” Posibleng maging “off” ang alignment sa harap o sa likod sa kadahilanang tinatawag na “metal fatigue.” Pagkakabaluktot ng bakal dahil na rin sa dinadalang bigat nito at factor na rin ang lubak sa daan at edad ng ating sasakyan. May mga tao sigurong matindi ang mata sa silipan pero iyan ay hindi nangangahulugang tama ang magiging silip niya. Mas mainam na ito ay dalhin sa alignment centre. Once a year talaga ang check up ng alignment ng ating mga gulong.

CAMBER

Ito naman ang tinatawag na tindig ng gulong pero ang sinisilip dito ang ang pinakatuktok at pinakailalim ng goma. Ang gawin ninyo ay tumindig sa harapan ng sasakyan na makikita ninyo ang dalawang gulong at silipin ang gulong ng driver side. Kung ang tuktok ng gulong ay nakahilig papasok sa sasakyan ang tawag dito ay “negative camber.” At kung ang tuktok naman ay nakahilig palabas ng sasakyan, ang tawag dito ay “positive camber.” Ganoon din naman para sa passenger side na gulong ang dapat silipin.

Ano ba muna ang epekto ng maling camber ng ating gulong? Kapag naka positive camber, ang gulong ay nakakalbo ang labas na bahagi nito. At kung naka negative naman ang camber, ang loob na bahagi naman ang nakakalbo dito. Hindi balanse.

Kung ang gulong naman ay nakakalbo ang gitnang bahagi, ang ibig sabihin ay over inflated ang goma o sobra sa hangin ang ating gulong. Ang adjustment ng camber ay isinasagawa habang nakasalang sa alignment machine sa kadahilanang ito ay may ibat ibang specs na mismong nakatala sa loob ng computer ng alignment machine. Ang adjustment ay ginagawa sa strut kung ito ay McPherson strut at karaniwan naman sa upper arm ng suspension sa mga nakacoil spring o torsion bar.

CASTER

Ito ay ang anggulo kung saan ang pinakagitna kung tumatawid ang isang diretsong linya magmula sa lower balljoint papunta sa upper balljoint o sa strut kung ito ay McPherson. Ito ang tinatawag na steering pivot. Parang itong planet Earth na may north at south pole kung saan umiikot ang mundo. Ganito rin ang prinsiple ng caster. Ito nga lang ay may kaukulang degree o angle na nakatala depende sa manufacturers specs. Karaniwang hindi adjustable sa mga kotse, van o SUV. Ibig sabihin, kung ito ay may problema sa caster, kailangang may palitan na piyesa na nabaluktot sa isang insidente o aksidente.

Puwedeng ikumpara ito sa caster wheel ng ating mga shopping cart. Hindi ba’t madali itong iliko dahil ito ay nagpapivot kung ikaw ay liliko? Ang axis nito ay nakapuwesto sa harapan at ang gulong ay nasa likuran ng axis, ito ay tinatawag na “positive caster.”

Sa mga sasakyang luma na walang power steering, karaniwan ang set-up ng caster ay positive para mas magaang iliko ang sasakyan. Gaya ng sinabi ko, ang set up ng caster ay napakahalaga sa pagbira natin ng sasakyan o pagliko at bitiwan ang manibela ay parang dumederetsong kusa ulit ang manibela. Ito ay dahil sa caster. Ipaling mo pabaligtad ang gulong ng shopping cart at itulak paabante, pansinin ang mangyayari, babalik sa dating puwesto ang gulong. May mga sasakyan na naiiadjust ang caster at karaniwan ay mga trucks. Sa mga sasakyan na pagkaminsan ay mahirap bawiin ang manibela, malamang na may problema ito sa caster. Naka-negative caster kayo.

Ating dapat na malaman na ang tamang wheel alignment ay makakatulong nang malaki sa pagtitipid ng gasoline at sa kabuuang performance ng sasakyan. Kung naka-wheel aligned ang sasakyan, hindi pigil ang takbo at ibig sabihin ay hindi kailangan magbigay ng karagdagang force o effort ang makina upang tumakbo nang maayos. Mas tatagal pa ang buhay ng ating mga gulong at maging ang mga underchassis components ay di kinakailangan na magkaroon ng unnecessary stress na ika-iikli ng buhay ng mga ito.

Ron Urbano is a Certified Red Seal Mechanic.

Have a comment on this article? Send us your feedback