Disyembre 16 - 31, 2011

 

Sana, maging maligaya ang pasko natin at sa mga araw pang darating.


Batay sa Legislative Assembly Act, rerepasuhin ang natatanggap na taxpayers’ money ng mga MLA sa Manitoba. Higit na bubusiin ay tungkol sa travel, living at constituencies allowances. Amen.


Sa Ika-18 ng kasalukuyang buwan malalaman kung ’yong mga nagsabing hindi na sila interesado na maging kagawad ng PCCM board ay nagsasabi ng totoo. Mga “buwayang-lubog” kapag kumandidato.


Hindi kontra recession ang plano ng Harper government na dagdagan ng 30 ang ang bilang ng mga kasalukuyang MPs. Hindi na kailangan. Ang suweldo ng bawat isa ay $150,000 kada-taon, bukod sa mga allowances. Dagdag ’yon sa pasanin ng mga taxpayer. Kaso naman, karamihan sa taxpayers ay parang mga contented cow. Walang kibo kahit patuloy na ginagatasan.


Ang liderato ni Russian PM Vladimir Putin ay mahigpit na tinututulan ng Communist Party members. Samantala, sina Newt Gingrich na former Speaker of the House of Representatives at former Governor ng Massachusetts Mitt Romney ay nabalitang kapuwa front runners sa anim na Republican presidential contenders na isasagupa kay Barack Obama.


Pinapaghahanda na ng Chinese president Hu Jintao sa labanan ang kanilang Navy sa gitna ng tensiyong nagaganap sa rehiyon? Hindi magandang pangitain.

Sa Pilipinas

Bumaba na naman sa nakaraang tatlong buwan ang Gross Domestic Product (GDP) na isa sa mga barometrong pangkabuhayan ng bansa. Marahil ang political drama ay isa sa mga dahilan ng napapabayaang ekonomiya ng bansa? Mahigit 20 per cent na sa kabuuan ang bilang ng mga taong nagugutom, ayon sa survey.


Hangga’t hindi natitigil ang bangayan nina Noynoy Aquino at Rene Corona, ang kabuhayan ng mga karaniwang tao ay patuloy na magiging grabe. Kasabihan ng mga matatanda: “Kung sa kural ay nagsipaan ang mga kabayo, ang tinatamaan ay mga bisiro.”Kaya nga, ayon sa survey, bagsak-na-bagsak ang gobyernong Aquino tungkol sa ekonomiya at unemployment. Ang waring railroaded impeachment kay CJ Renato Corona ay nakarating na sa Sanado. May sapat kayang boto sa Senate para mangyari ang hangarin ni PNoy?


Malalim na ang sugat na nalikha ng bangayan nina Pres. Aquino at Supreme Court Justice (CJ) Renato Corona. Pakitang-tao lang sakaling mag-usap. May kasabihang “Sugat na pinaglamnan, gumaling ma’y balantukan”.


Sa ilalim ng gobyernong demokrasya, co-equal means, executive, legislative and judiciary ay malaya sa isa’t isa at may kani-kaniyang lider. Oo naman, pero kung baga sa kalabaw, ang tatlo ay mayroon ding mga sungay. Mabaha at maikli na ginagamit sa pagsusuwagan.


Itanggi ng Malacañang ang alegasyon ng European Institute for Asian Studies na mapaghiganti ang gobyernong Aquino and “could result in a damaged democracy” Aba, tinutupad lang ni PNoy ang pangakong usigin ang mga taong-kurap na nagpahirap sa bayan.


Atat-na-atat sina Sen. Frank Drilon at Kiko Pangilinan kay CJ Renato Corona. Silang tatlo ay magkaka-angkas sa bangkang papel at nakinabang noon kay Gloria. Sina Frank at Kiko ay kapanalig na ngayon ni PNoy. Natakpan na kaya ang uling sa mukha ng dalawang balimbing?


Ang interes ng mga Cojuangco-Aquino sa Hacienda Luisita ay napangalagaan daw noong si Tita Cory pa ang nasa Malacañang. Ngayon, ang utos ni Gloria noong 2005 tungkol sa hacienda ay pinanigan ng Korte ni Corona. Napabayaan daw ni PNoy kaya minadaling makalaboso si Gloria. Pa’no mabubura ang bintang na vendetta?


Si PNoy daw ay parang si Fidel Castro ng Cuba at walang iniwan sa “sirang-plaka,” ayon kay Fr. Joaquin Bernas.Hindi po kaya ang isyu ay parang pako, pinupokpok ng martilyo hanggang bumaon?


May nagtatanggol at pumupuna sa ginawang tatlong beses na pasaring ni PNoy kay CJ Rene Corona. Aba, natural lang ‘yon parang baterya ng kotse. May positive atnegative. Ang bastos ay bastos, tama ay tama.


Sana nga si PNoy nag-iingat sa kaniyang pagsasalita. Nakisawsaw pa sa sinabi ni Elena B. Horn na may planong “Put the little girl to sleep.” Sinabing bunga lang daw ng imahinasyon? Hinamon tuloy na sabay-sabay sila na magpatingin sa psychiatrist, kasama si Budget Sec. Florencio Abad para malaman kung sino sa kanila ang may problema sa utak? Walang sagot. Sino ang nasupalpal?


“Ang legal ay hindi daw laging tama,” ayon sa isang pakakak ng Malacañang. Naku naman, eh, bakit sila nagrereklamo na illegal daw ang pagkakahirang ni Gloria kay Corona as CJ ng Korte Suprema?


Sa oral argument on legality of the travel ban na ginanap sa Korte Suprema, si DOJ Sec Leila De Lima ay pinutakte mismo ng mga mahistradong sina Gloria at PNoy ang nagtalaga. Inakusahang umaaktong makapangyarihan pa sa korte. Ang ginigiit kasi ay police power of the executive na balido lamang sa ilalim ng revolutionary government.


Teka, si De Lima naman ay nasa win-win situation. Halimbawang ma-contempt of court dahil nilabag ang utos ng SC tungkol sa travel. Kakampi naman niya ang maraming taong ayaw nilang payagang makaalis si Gloria. Kung mapaparusahan ay magiging underdog. Kung patatawarin ay lalong magiging popular. Magandang puhunan ’yon sa 2013 senatorial elections.


Hiniling ni Gloria na payagan siyang mamalagi sa kaniyang bahay sa panahon ng Pasko at Bagong Taon. Kahit parang bata na nais masunod ang kapritso, pero win-win pa rin ang dating. Okey kung papayagan, kung hindi, ang sisisihin ay ang mga eskuwater sa Palasyo.

Katas

Tungkol sa kaso ng mga Arroyo, ang senaryo ay nakapaloob sa sumusunod:

  • Ang travel ni Gloria ay malamang katigan ng Korte Suprema, batay sa bill of rights ng isang tao.
  • Pag-amin ni DOJ Sec. Leila De Lima na walang batas na basehan ang pagpapalabas ng watchlist order sa kahit sinong tao. Subali’t nanindigang tama din ang kaniyang aksiyon.
  • Survey ang pinagbasihan. Ayaw ng mga tao na payagang makaalis si Gloria. Kailangang harapin ang alegasyong mga kasalanang nagawa niya sa bayan.
  • Kung susundin ang batas, may kahinaan ang punto ng executive department na base sa akalang baka hindi na bumalik. Hindi patunay ang hindi pa nangyayari?
Kuro-kuro

Palagay ko: Alam na ni Gloria ang mangyayari sa kanila. Naghanda bago manaog sa Palasyo. Marunong at mahusay siyang umarte. Napag-away nga sina PNoy at Renato. Ayaw nilang umalis sa Pilipinas at sapitin ang katulad ng nangyari sa mga Marcos na nalinlang daw noon. Tinakas sa Hawaii. Nagkaroon ng aral si Erap kaya hindi rin pumayag na umalis sa bansa noong agawin ni Gloria at kaniyang mga alipores ang Malacañang. Hindi kaya gayun din ang plano ng mga Arroyo ngayon? Linlangin ang gobyernong Aquino? Ubusin ang panahon ni PNoy ng paghabol sa kanila at mapabayaan ang ekonomiya ng bansa. Lalong maraming magugutom. At the end of the day, baka si PNoy naman ang ma-mob-rule. Hahabulin ng mga tao?

Alalahaning mula nang manaog sa Palasyo, si Gloria ay may anim na beses nang nakaalis at nakabalik sa Pilipinas. Kung hangad niyang tumakas, sana ginawa na niya noon pa kaya posibleng makapanatili lang sa Pilipinas ay nakahanda sila sa paglaban?

Batid ng mga Arroyo na mahirap ang magiging kalagayan ng kanilang pamumuhay sa ibang bansa. Sila’y dating nasa kapangyarihan. Kukutyain at ituturing na basahan dahil tinakasan ang mga kasalanang binibintang sa kanila. Hindi nila magugustuhan ang gayun uri ng pamumuhay. Sa Pilipinas, alam nila ang mga kabagalan at kahinaan ng hustisya Alam din nilang ang kahihiyan ay natatakpan ng pera. Sana mali ako sa aking haka-haka.

Kuwento

Naalala ba ninyo ang tungkol sa away ng Unggoy at Pagong? Sa galit ng Unggoy sinabi sa Pagong na itatapon siya sa ilog. Nagmakaawa kuno ang Pagong, sinabing huwag, malulunod siya at mamamatay sa tubig. Hindi nakinig ang Unggoy, hinagis ang Pagong sa Ilog. Pinagtawanan ng Pagong ang Unggoy.


Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhaynewspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback

1