Published on

Toni Gonzaga
Toni Gonzaga
Coco Martin & Julia Montes
Coco Martin & Julia Montes

Showbiz Extra • Pebrero 16-28, 2013

Ni Issi Bartolome

Toni Gonzaga, host ng The Voice Philippines

Swak na swak kay Toni Gonzaga ang bago nitong show sa ABS-CBN, ang The Voice of the Philippines. Nakuha kasi ng Kapamilya Networks ang franchise ng hit reality show sa US. Matatandaan na hit sa US ang show na ito dahil sa mga vocal coach na sina Cee Lo Green, Blake Shelton, Cristina Aguilera at Adam Levine. Sa The Voice of the Philippines ay maipamamalas na naman ni Toni ang galing sa paghohost. Maganda ang concept ng show na kung saan ang mga nag-aaudition ay kakanta habang nakatalikod ang mga vocal coach at haharap lamang kapag nagustuhan nila ang boses ng kumakanta. Excited na binalita ni Toni na pawang mga bigatin ang mga magiging judge/vocal coach at kahit siya ay hindi makapaniwala na mapagsasama ang mga ito sa nabanggit na show. Isa sa mga sigurado nang magiging vocal coach ay ang pop princess na si Sarah Geronimo. Nagtapos na ang kaniyang TV show na Sarah G. Live kaya mapapabilang na siya sa The Voice of the Philippines. Sina Lea Salonga, Arnel Pineda at Ely Buendia ang mga nababalitang magiging vocal coach din sa bagong show na ito ng ABS-CBN.

Coco Martin, escort ni Julia Montes sa kaniyang debut sa March

Si Coco Martin na ang magiging escort ni Julia Montes sa debut nito sa March 19. Noong una ay hindi pa kumbinsido ang aktor dahil nga mga sabi-sabi lang ang nagdidirekta sa kaniya na siya nga ang napipisil ng aktres. Subalit sa presscon ng movie nilang A Moment in Time ng Star Cinema ay personal na inimbitahan ni Julia si Coco para maging escort sa gabi ng kaniyang 18 birthday. Naglocation pa sa Europe ang dalawa para sa ilang mga eksena na tiyak na magpapakilig sa mga fans ng dalawa. Inaasahang mag-hihit ang pelikulang ito dahil ito bale ang handog nila sa mga sumubaybay ng hit nilang teleserye na Walang Hanggan. Kasama rin sa movie sina Cherie Gil, Zsa Zsa Padilla at Gabby Concepcion.

Tungkol naman sa balita na liligawan siya ng aktor ay isang simpleng sagot lamang ang binitiwan ni Julia. “’Di ko pa kasi masyadong iniisip. Wala pa po ako sa point na relationship agad ang iisipin ko. Pero si Coco ay mabait at maalaga, so ayun lang kinikilala ko lang po siya,” sabi ng aktres. Pero inamin din ni Julia na malaki ang tsansa ng aktor sa kaniyang puso kung sakaling ituloy na nito ang panliligaw sa kaniya pagkatapos ng kaniyang 18th birthday.