
Opinions
![]() |
|
Ivana Alawi |
|
![]() |
|
Alden Richard & Bea Alonzo |
|
![]() |
|
Dominic Roque & Bea Alonzo |
|
![]() |
|
Nadine Lustre |
|
![]() |
|
Carla Abellana, Tom Rodriguez & Rey “PJ” Abellana (inset photo) |
|
![]() |
|
Sharon Cuneta |
|
![]() |
|
Super Tekla & Donita Nose “Donekla in Tandem” |
|
![]() |
|
Ai Ai Delas Alas |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Romel Chika, Nanay Cristy Fermin & Morly Alinio |
Si Ivana Alawi naman ang napagdidiskitahan ngayon ng mga walang magawa sa buhay na bashers. Tahimik lang ang seksing dalaga, ni hindi nga siya nakikisawsaw sa kung anu-anong isyu, pero hindi pa rin siya nakaligtas.
Ang pagba-vlog lang ang kaniyang tinututukan, gumagawa siya ng mga content na gustung-gusto naman ng ating mga kababayan, hanggang sa umabot na sa 15 milyon ang kaniyang subscribers.
Ang una naming napanood na vlog ni Ivana Alawi ay ang kaniyang paglalaba. Pero kakaibang paglalaba iyon. Nakabukaka siya na may pasilip sa manonood. May maniniwala ba namang wala silang washing machine?
Siyempre’y wala, pero content niya iyon, diskarte niya, na milyun-milyon ang inabot na numero ng kaniyang vlog, panalung-panalo.
Nagtatalo ngayon ang dalawang kampo tungkol kay Ivana. Sinasabi ng isa na hindi raw naman talaga siya galing sa mayamang pamilya. Kung totoo raw na ganoon sila kayaman ay bakit nagtrabaho siya bilang promo girl?
Pagtatanggol naman ng mga tagasuporta ni Ivana ay humiwalay kasi silang mag-iina sa kaniyang milyonaryong ama, namuhay nang marangal na sila-sila lang, hanggang sa muli siyang ipinatawag ng kaniyang tatay.
Nakakasawa na raw ang mga content ni Ivana, pare-pareho na lang, yumaman na nga raw siya sa vlogging pero hindi pa siya kumuha ng staff na mag-iisip ng mga bago niyang ilalaman sa vlog niya.
Nasa gitna pa rin ng aksiyon si Ivana Alawi, nakapanggugulo pa rin siya ng kamalayan, na ang ibig lang sabihin ay relevant siya.
Masayang-masaya na naman ang mga tagasuporta ni Alden Richards dahil may aabangan silang serye ng Pambansang Bae kapareha ni Bea Alonzo.
Oo nga naman, ibang-iba ang pagtutok sa telebisyon na walang serye si Alden, inaabangan talaga iyon ng publiko. Ibang putahe na naman ang gagawin nilang serye ni Bea, susukatin uli ang kanilang tambalan, kung nababagay ba sila sa isa’t isa.
Sa biglang tingin ay oo naman, walang kuwestiyon sa kaguwapuhan at kagandahan ng mga bida, pareho rin silang mahusay umarte kaya panalung-panalo ang seryeng ito.
Nagbitiw ng salita si Bea na si Alden ang isa sa mga dahilan kung bakit ginusto nitong maging Kapuso. Mabigat ang pahayag na iyon, pero at least, hindi sinabi ni Bea na number one nework ang GMA-7 kaya ito lumundag ng bakod.
Sino ba naman ang tatangging makatambal ni Alden? Siya ang pinakasikat na aktor ng kaniyang panahon, kumikita ang kaniyang mga proyekto, kaya gusto siyempreng mabahiran ng suwerte ng makakapareha niya.
Si Alden Richards ang personalidad na nginitian ng kapalaran ang karera pero hindi pinagbago ng kasikatan ang ugali. Nananatili siyang mapagkumbaba, nakatapak ang mga paa sa lupa, walang kaere-ere.
Siguradong ang mga ganoong papuri rin ang ating maririnig mula kay Bea Alonzo kapag nagsimula na ang kanilang trabaho.
Pinagpistahan ng mga Marites ang isang retrato nina Dominic Roque at Bea Alonzo na ninakawan daw ng shot ng isang paparazzi habang naghahalikan sa ituktok ng isang gusali.
Sila raw iyon, malayo lang ang kuha, pero sila ang nakunan ng larawan na naghahalikan. Kailangan pa bang gawing malaking isyu ang paghahalikan nina Dominic at Bea?
Ang argumentong iyon ay pinatay na ng madalas na pagbabakasyong magkasama nina Dominic at Bea. Wala silang ibang kasama, sila lang dalawa, at kapag ganoon ay alangan namang isipin pa natin na naglalaro lang sila ng chess sa hotel room.
Hindi natin sila pag-iisipang nag-i-scrabble lang, lalong hindi sila naglalaro lang ng jackstone, alam na this!
Wala nang dapat pang pagtakahan, hindi na isyu kung nakunan man silang naghahalikan, dalawa-singko na lang nilang ginagawa iyon kapag magkasama sila.
Sa napanood naming footage ng pagbabakasyon nila sa Palawan ay magkasama sila sa isang hotel room lang, sa pamamasyal sa isla, madalas humalik si Bea kay Dom.
Ganoon din ang binata, pagkatapos nitong mag-”I love you” kay Bea ay kasunod na agad noon ang paghalik, kaya normal na lang sa kanila ang kissing.
Pero hindi naman iyon paghahalikang pag-iisipan ng kabastusan ng makakakita, marespeto iyon, smack lang at hindi naman torrid.
Mas malambing pa nga kung tutuusin si Bea kesa kay Dominic, siya ang sabi nang sabi ng “I love you” sa aktor, kasunod ang masuyong paghalik.
Kissing? Hindi na bago iyon sa magkarelasyon. Agahan na nila iyon, pananghalian at hapunan. At may midnight snack pa.
Mahabang panahon ang nawala sa pakikipaglaban ni Nadine Lustre sa pakikipagbanggaan sa Viva Films nang maisipan niyang umalis na sa kumpanya.
Bumangga siya sa pader pero siya ang nabukulan. Nauwi rin sa maayos na usapan ang lahat, kinailangan niya pa ring gumawa ng pelikula sa Viva kung saan ipinanganak ang kaniyang karera, wala siyang ibang pamimilian.
Maganda na rin iyon, hindi nabalagoong ang pinaghirapang career ni Nadine, walang puwedeng magsabing laos na siya dahil heto at nakikipaglaban pa rin ang dalaga.
Kuwento ng mga kaibigan namin ay maganda raw ang trailer ng pelikulang Greed na pinagbibidahan ni Nadine. Nagpakita raw ng kaseksihan ang dalaga ay magaling pang umarte.
“Alam n’yo, huwag lang maglukring-lukringan ang batang iyon, e, maaasahan siya sa pag-arte! Magaling siya! Hindi man siya kagandahan, bawing-bawi naman iyon sa acting niya,” balita pa ng aming kausap.
Totoo naman. May karisma si Nadine Lustre na kaniyang-kaniya lang.
Kinausap na pala ni Tom Rodriguez ang ama ni Carla Abellana. Personal nitong sinadya si Rey “PJ” Abellana sa bahay para magpaliwanag tungkol sa hindi inaasahang paghihiwalay nila ng kaniyang misis.
Maraming napag-usapan ang magbiyenan, binigyan ng importansiya ni Rey ang punto ng kaniyang manugang, pero sila ng kaniyang anak ay hanggang telepono lang ang komunikasyon at hindi pa sila nagkikita nang personal.
Totoo bang may third party sa hiwalayan? Gaano katotoo na nahuli ni Carla si Tom sa pamamagitan ng tracking device na mayroon palang ibang pinagkakaabalahang babae si Tom?
Sagot ng magaling na singer-actor, “Hindi matatawag na third party iyon, e. One night stand lang ang nangyari. Dahil lalaki ako, naiintindihan ko si Tom.
“Nangyayari talaga ang ganoon. Natutukso talaga ang lalaki. One night stand lang iyon, hindi third party. Hindi tama, pero hindi iyon matatawag na third party,” pagpapakatotoo ni Rey.
May lumabas ding isyu tungkol sa malaking halagang nawala sa mag-asawa dahil sa pagtatangkang pumasok sa politika ni Tom pero sumamblay ito.
Wala raw silang pinag-uusapan tungkol sa pera, hindi raw nila naging paksa ang kuwentong may kinalaman sa pera, sumentro lang sila sa nakapanghihinayang na hiwalayan ng mag-asawa.
Pati ang kasarian ni Tom ay nadamay na rin sa isyu ng hiwalayan, lumutang ang istoryang kaduda-duda raw ang gender ng aktor, naniniwala ba si Rey na bakla ang kaniyang manugang?
Diretsong sabi ni Rey, “Wala akong nakikitang ganoon kay Tom. Bilang isang straight, wala. Saka pitong taon muna silang naging magkarelasyon, kung kailan sila nagpakasal, saka magkakaroon ng ganyang kuwento?
“Matalino si Carla, hindi siya magiging Cum Laude kung mahina siya. Basta ang sabi ng anak ko, hayaan nating silang dalawa ang umayos ng problema nila,” pagtatapos ni Rey “PJ” Abellana na ang tunay na dahilan ng pagiging panauhin sa Cristy Ferminute ay ang promosyon ng kaniyang pelikulang Mamasapano.
Nanghihinayang kami sa pagkakataong nagpadala si Sharon Cuneta sa kaniyang emosyon. Kung pinag-isipan niyang mabuti at binalanse ang sitwasyon ay hindi sana siya nakakatanggap ngayon ng mga salitang ayaw niyang ibato laban sa kaniya.
Napakasimple ng dahilan. At napakababaw kung tutuusin. Ang pagkanta ni Attorney Sal Panelo sa pinasikat niyang kanta na ginawa ng namayapang kompositor na si Willy Cruz.
Kahit sa mga singing contest ay paboritong panlaban ng mga kalahok ang piyesang Sana’y Wala Nang Wakas. Tunay naman kasing kapuri-puri ang tono at liriko ng awitin.
Pero nang kantahin na iyon ng abogado sa isang okasyon ay pumalag si Sharon at nag-post ng kaniyang saloobin na hindi naging maganda sa panlasa ng mas nakararami nating kababayan.
Sa isang iglap ay pinaratangan ang Megastar bilang maramot, OA, namemersonal at marami pang ibang masasakit na salita na siguradong inaarayan na niya ngayon.
Hindi raw dapat kinanta ng abogadong kumandidatong senador sa partido ng PDP-Laban ang kaniyang kanta. Nakakahiya raw naman sa kaniya at sa nag-compose ng piyesa ang ginawa nito.
Humingi ng paumahin si Attorney Sal Panelo sa paggamit nito sa kanta, pero may kakambal na paliwanag iyon, na tumunaw sa puso ng ating mga kababayan at naghasik ng galit kay Sharon.
Tuwing kinakanta pala ng abogado ang pinasikat na awitin ni Sharon ay parang nagbibigay ito ng pagpupugay sa kaniyang anak na si Carlo na may down syndrome na pumanaw na ilang taon ang nakararaan, umani iyon ng simpatya sa mga kababayan natin.
At bumusina pala ang abogado sa Viva Records ni Vic de Rosario na tunay na may-ari ng piyesa dahil binili na ng kumpanya ang rights at ownership ng Sanay Wala Nang Wakas.
Kailangang maghinay-hinay si Sharon Cuneta sa pagpo-post.
Ang mga namba-bash sa kaniya ngayon ay mga botante. Mga Pilipinong namimili pa lang ng mga nais nilang iluklok sa puwesto. Kabawasan para sa boto ng kaniyang asawa na tumatakbong vice-president ang maaaring ibunga ng wala sa lugar niyang sentimyento.
Sayang. Sayang na sayang. Sana’y pinalampas na lang niya ang pagkanta ng abogado at hindi na niya ginawang malaking isyu.
Hati ang reaksiyon ng publiko sa biglang paghihiwalay nina Super Tekla at Donita Nose sa pagba-vlog. Maraming nanghihinayang dahil tatlong milyon na ang sumusubaybay sa kanila na napakalaking tulong sa kanilang kabuhayan.
Siguro raw ay narindi na si Donita Nose sa pagiging iresponsable ni Super Tekla, may hangganan nga naman ang pagpapasensiya, kapag punumpuno ay kinakalos na. Tamad daw si Super Tekla, ayon pa kay Donita, kaya hindi naiwasang balikan ng marami ang mga kuwento noong kunin siyang co-host ni Willie Revillame sa Wowowin.
May mga pagkakataon noon na late nang dumarating si Super Tekla sa studio, ngarag na ngarag, nahuhuli pa siyang natutulog sa locker. Parang wala raw tulog ang komedyante, wasted ang dating, kaya nawala siya sa programa.
Sabi naman ng isang nakikisimpatya kay Super Tekla ay masyado raw bossy si Donita Nose, matalak, kaya naririndi na rin si Super Tekla.
Natural lang na magkaroon ng tuusan sa ganoong tambalan, kailangan kasing magdeliber ang bawat isa, hindi puwedeng magtamad-tamaran lang.
Isang kaibigan ang tumawag sa amin, “Professional kasi si Donita Nose, alam niya ang pinapasok niya. Never siyang nale-late sa call time, alam na niya ang gagawin niya pagdating.
“Talagang hindi sila magkakasundo ni Super Tekla, kalat ang utak ng isang iyon, magulo, walang direksiyon!”
Kilalang-kilala namin ang puso ni Ai-Ai delas Alas. Hindi uso sa kaniyang bokabularyo ang kaplastikan. Kung ano ang nararamdaman niya ay iyon ang kaniyang sinasabi. Pero may kakambal na respeto iyon.
Madalas niyang sabihin na hindi bale nang iilan lang ang kaniyang kaibigan, pero piling-pili naman, masaya na siya sa kakaunti lang.
Naging mag-BFF sila ni Kris Aquino. Isang pagkakaibigan iyon na mas matindi pa sa parang magkapatid na. Namuhunan ng panahon si Ai-Ai sa pagkakaibigan nila ni Kris, kinambalan niya iyon ng tiwala at pagmamahal, pero isang araw ay winasak iyon ng panahon.
Iniyakan nang matindi ni Ai-Ai ang sitwasyon, inilaglag siya ni Kris, para lang mailigtas nito ang kaniyang sarili ay si Ai-Ai ang inilagay ng TV host sa sangkalan.
Fast forward tayo. Hindi maayos ang pisikal na sitwasyon ni Kris ngayon. Maraming nagdarasal para malampasan ng TV host ang matinding paghamong ito sa kaniya.
Walang sinasabi sa amin si Ai-Ai, pero hindi na kailangan, alam namin sa aming puso na isa siya sa mga nagdarasal para bumuti ang kalagayan ni Kris na sa biglang tingin ay buto’t balat na lang ang itsura ngayon.
Hindi na niya kailangang i-post pa ang kaniyang mensahe, hindi na rin niya kailangang ipagsigawan, sa pagkakilala namin sa Comedy Concert Queen ay ramdam naming isa siya sa mga nagdarasal ngayon para bumuti ang kalagayan ng kaniyang dating BFF.
Maraming naging masaya at nakahinga nang maluwag sa pinakabagong post ni Kris Aquino. Dininig nga naman ang kanilang panalangin para sa maagang paggaling ng TV host.
Ayon kay Kris, kapag naging maayos na rin ang pagdadaanan pa niyang gamutan ay saka na lang siya makabibiyahe papunta sa ibang bansa, iyon kasi ang habilin ng kaniyang mga doktor.
Mahaba ang biyahe papunta sa Amerika kung saan niya ipagpapatuloy ang kaniyang pagpapagamot, sinisiguro lang ng kaniyang mga doktor dito na walang magiging aberya sa kaniyang biyahe, kaya lahat ng maaaring gawin pa dito ay tatapusin na muna nila.
Ang kaniyang katawan ay manipis pa rin, hindi pa nadadagdagan ang kaniyang timbang, isang matinding pag-aalala iyon para sa kaniyang mga tagasuporta dahil tuluy-tuloy ang pangangayayat niya.
Ang mga allergies na lang niya ang sinisikap pang tuntunin ng mga espesyalista kung saan nanggagaling. Sobrang sensitibo ng kaniyang katawan, kaunting alikabok lang ay sapat na para maglabasan ang kaniyang allergy, kasunod ang pamamaga ng kaniyang mukha.
Sana nga ay umayos na ang kaniyang kalusugan sa mga darating na araw, magkaroon na sana ng saysay ang kaniyang salapi para sa pagbabalik ng dati niyang sigla, iyon ang hiling ng ating mga kababayan.
Palaging sinasabi ngayon ni Kris na hindi natin dapat unahan ang kalooban ng Diyos. Tamang-tama ang kaniyang sinabi, ang ating mga hiling ay magaganap sa takdang oras, sa tanging tamang panahon na ipagkakaloob ng Diyos.
Nagtatalu-talo ngayon ang mga Marites tungkol sa kalagayan ni Angelica Panganiban. May nakapansin kasi na medyo maluwag ang suot niyang blouse.
Ang konklusyon ng nakapansin, nagdadalantao na si Angge sa kaniyang boyfriend na si Greg Homann, magkakaroon na ng produkto ang kanilang pagmamahalan.
Pero uupuan na lang ba iyon nang paganoon ng kontrobersiyal na aktres? Napakadali niyang sabihin na agad-agad? Maluwag lang ang napili niyang isuot na blouse dahil maalinsangan ay buntis na siya agad?
Hindi dapat bimbangin ni Angge ang mga nagbabantay sa kaniyang kalagayan dahil ang ibig sabihin lang noon ay nasa gitna pa rin siya ng aksiyon. Hindi pa kupas ang kaniyang ningning, relevant pa rin siyang pag-usapan, malayo pa siyang kambalan ng salitang laos.
Halos sa lugar na ng kaniyang boyfriend naglalagi si Angelica, bumibiyahe na lang siya pa-Maynila kapag may trabaho siya, inaalagaan nang husto ngayon ni Angelica ang kaniyang personal na buhay.
Kunsabagay, kahit naman sa mga dati niyang karelasyon ay napaka-hands-on ng atkres. Ikinukumpara nga siya sa geisha ng kaniyang mga kaibigan dahil konting-konti na lang ay parang alipin na siya kung magmahal.
Pero siya iyon, ganoon ang kaniyang paraan para ipadama ang kaniyang pagmamahal, kani-kaniyang atake nga lang naman iyon. Walang pakialam si Angge sa sinasabi ng iba, basta gagawin niya ang gusto niya, isa si Angelica Panganiban sa iilang artistang buo ang paninindigan at kinokompronta talaga ang mga isyung nagsasangkot sa kaniya.
Pinatapang na siya ng panahon, pinanday na siya ng mga karanasang napakaaga niyang natikman, buung-buo na si Angelica Panganiban.
Inuunahan na namin ang kuwentong ipinarating sa amin ng isang source. Hindi kami isandaang porsiyentong naniniwala sa istoryang dalawang taon nang kasal sina Coco Martin at Julia Montes.
Matigas ang paninindigan ng nagbalita sa amin. Kasal na raw sina Coco at Julia at magka-live-in na sila ngayon sa isang subdivision sa Quezon City.
Mas pinaniniwalaan namin ang ikalawang kuwento, alam namin ang tinutukoy na subdivision ng aming source, ilang ulit na kaming nakarating doon.
Iyon din ang sinasabi ng mga kapitbahay ng action star, ilang taon nang nakatira sa kaniyang bahay si Julia Montes, kahit pa may bahay rin ang aktres sa nasabing lugar.
At may isang bahagi pa ng kuwento na pinaniniwalaan namin, totoong-totoo iyon, kahit pa idinedenay nina Coco at Julia.
Pero iyong isyu ng kasal? Hindi namin iyon pinaniniwalaan, kailangan pa muna naming makakita ng mga resibo bago namin sabihing totoo nga ang istorya, ang mga sangkot dapat sa kuwento ng kasal ang kailangang umamin.
May You Tube Channel na po kami. Para sa mas maiinit na chika ay huwag n’yo pong kaligtaang i-like, i-share at i-subscribe ang Showbiz, Now Na!
Ikalembang n’yo lang po ang notification bell para malaman n’yo kapag mayroon na kaming bagong chika kasama ang aming mga anak-anakang chikadora na sina Morly Alinio at Romel Chika.
Pakiabangan din po ang gagawin naming one-on-one interview sa mga personalidad na kontrobersiyal at pinag-uusapan.
Ang lahat po n’yan ay matutukan n’yo sa Showbiz, Now Na!
***
Pagkatapos mapanood sa aming You Tube Channel - Showbiz, Now Na! ang paksang tinalakay namin nina Morly Alinio at Romel Chika tungkol sa nakaraang malalim na hidwaang namagitan sa mag-amang Cesar Montano at Diego Loyzaga ay hindi na kami pinatahimik ng mga nagsasalimbayang tanong.
Ano raw ba ang ibig sabihin ng binitiwan naming salitang “something”? Matagal nang naganap ang hindi pagkakaunawaan ng mag-ama, pero tandang-tanda pa rin namin ang senaryo, mula sa pagtira sa bahay nina Cesar at Sunshine Cruz ay lumipat si Diego sa bahay ni Bing Loyzaga.
Puwede nilang aminin o idenay, pero hindi kinaya ni Diego at ng kaniyang inang si Teresa Loyzaga ang paghusga ni Cesar na may napapansin itong kakaiba sa samahan ng kaniyang misis at anak, malaking away ang kinauwian noon.
Pero sabi nga ay panahon ang pinakamagaling na doktor, walang gamot at operasyon na kailangan, lumalambot ang puso ng mga taong nagkasakitan ng kalooban.
Si Diego ang unang gumawa ng hakbang sa pagkakasundo nilang mag-ama, pinuri ang guwapong aktor sa kaniyang ginawa, totoo namang ang magulang ay magulang at ang anak ay anak lang.
Sana nga ay dito na magsimula ang pagbawi nilang mag-ama sa isang nakaraang pareho silang pinagdamutan para ipadama ang kanilang pagmamahalan. Marami silang kailangang bawiin, maraming kuwentuhang mag-amang nakalampas sa kanila, hindi pa huli ang panahon.
Mahinahon ang sagot ni Diego Loyzaga sa tanong kung nagkabalikan ba sila ni Barbie Imperial. Kakambal na ng inunan ng guwapong aktor ang pagiging marespeto, maganda ang pagpapalaki sa kaniya ni Teresa Loyzaga, kaya pumili ng mga salitang suwabe lang si Diego.
Tama ang kaniyang punto, puwede nga namang maging magkaibigan pa rin ang dating magkarelasyon, kung mayroon mang mga naging problema ay may maganda pa rin naman silang pinagsamahan ni Barbie.
Ang mahalaga ay alam na nila ngayon ang kanilang posisyon, magkaibigan na lang sila, friends in talking terms.
Maganda sana ang kanilang relasyon noong una, wala silang sinasayang na panahon para mapaligaya ang bawat isa, hanggang sa pinasok na ng kung anu-anong problema ang kanilang pagmamahalan.
Naging sobrang selosa si Barbie, kapag hindi ito nabibigyan nang sapat na atensiyon ni Diego ay away na agad ang kauuwian noon, hanggang sa lumaki na ang gawak ng hindi nila pagkakaintindihan.
Naging sunud-sunod ang trabaho noon ni Diego, by appointment na nga siguro ang kaniyang tulog at pahinga, sana man lang ay naisip ni Barbie na trabaho lang ang tinututukan ng binata.
Pero kung babalikan ang mga nakaraang pakikipagrelasyon ni Barbie ay palaging ganoon ang istorya. Sobrang selosa ang dalaga. Mapagduda. Kaya wala itong nagtatagal na relasyon.
May hangganan ang pasensiya, umaabot sa sukdulan ang tao, hanggang sa maputol na ang pisi ng kaniyang pang-unawa at pasensiya.
Sabi ng isang source namin na may malalim na alam sa dating relasyon nina Diego at Barbie, “Sabihan ba naman niya si Diego na magpapakamatay siya, pati mga taong malalapit kay Diego, e, sinasabihan niyang tatalon siya sa hagdan, natural, matatakot ang lalaki sa mga sinasabi niya!
“Walang lalaking gustong mabuhay sa takot, kaya nga tayo nakikipagrelasyon, e, para maging masaya tayo, di ba?” sabi ng aming impormante.
Hindi pa hinog sa pakikipagrelasyon si Barbie Imperial. Bugso pa lang ng damdamin ang kaniyang nararamdaman. Marami pang kailangang matutuhan si Barbie sa pakikipagrelasyon. – CSF