Published on

Cristy Fermin

   Setyembre 16 - 30, 2011

 

 
 
Shamcey Supsup
 
 
Matteo Guidicelli
 
 
Maja Salvador
 
 
Sharon Cuneta
 
 
Vilma Santos
Shamcey Supsup – Ipinagbubunyi ng bansa lalo na sa GenSan

Panahon talaga ngayon ng mga anak ng GenSan. Pagkatapos makilala sa buong mundo ang kaniyang anak na Pambansang Kamao, si Congressman MannyPacmanPacquiao, ay heto at isa pang anak ng siyudad ang ipinagbubunyi ngayon ng buong mundo dahil sa kaniyang kagandahan.

Isang maiinit na pagsalubong na ang ihinahanda ngayon ng lokal na pamunuan ng General Santos City sa kanilang kababayang si Shamcey Supsup, tinanghal na 3rd runner-up sa katatapos lang na Miss Universe 2011 sa Brazil – kahit pa ang paniwala ng lahat halos ay siya dapat ang nag-uwi ng korona bilang pinakamagandang babae sa buong mundo ngayon.

Kahit nga ang makapangyarihang dila ni Oprah Winfrey ay nagsabi na kung balik sa zero uli ang score ng limang kandidatang naiwan para sa pag-aagawan sa titulo at ang kanilang sagot sa tanong ang pagbabasihan ay si Shamcey Supsup dapat ang tinanghal na Miss Universe dahil sa kaniyang tuluy-tuloy at makinis na pagsasalita.

Ang apat nga namang kandidata ay gumamit pa ng interpreter, nakapag-iisip sa pagitan ng pagsasalita ng kanilang translator, samantalang si Shamcey ay dumaloy nang makinis at maayos na walang tulong ng sinuman para itawid sa buong mundo ang kaniyang katalinuhan.

Willie Revillame – Masaya sa unang anibersaryo sabay nabasura ang kaso

Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng ating mga kababayan ang nalalapit na unang taong anibersaryo ng programa ni Willie Revillame sa Smart Araneta Coliseum sa October 22.

Napakarami nang nanghihingi sa amin ng ticket. Isang hiling na hindi namin mapagbigyan dahil wala pa kaming ideya kung kailan maglalabas ng passes ang Wil Time, Big Time para sa kanilang bonggang selebrasyon.

Basta ang alam lang namin mula sa pakikipagkuwentuhan kay Willie ay may mga lote at bahay na ibibigay ang Camella Homes ni Senator Manny Villar para ipa-raffle sa mismong gabi ng first anniversary ng programa ni Willie sa TV5.

Masayang-masaya ang lahat sa Wil Time, Big Time dahil nagdesisyon na ang Court of Appeals tungkol sa mga kasong isinampa ng ABS-CBN laban kay Willie at sa kanilang programa sa TV5.

Ang desisyon, dismissed ang mga kaso laban kay Willie. Inaatasan na ng CA ang RTC-Makati na ibalik kay Willie ang kaniyang cash bond, dahil ibinasura na ng CA ang kaso.

“Sa wakas, natapos na rin ang problema, ang saya-saya!” sabi pa ng isang staff ng Wil Time, Big Time.

Maja Salvador – Sa wakas, umamin na boyfriend si Matteo

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita nang pormal sina Coco Martin at Matteo Guidicelli tungkol sa naging engkuwentro nila noong Linggo nang madaling-araw sa Salon de Ning sa Manila Peninsula Hotel.

Nagpahapyaw na si Matteo. Umiiyak na ring inamin ni Maja Salvador na boyfriend nito ang aktor (sa wakas!), pero hanggang ngayon ay wala pa rin tayong naririnig mula kay Coco.

Hindi lang naging kagandahan ang reaksiyon ng ilan nating kababayan tungkol sa pangyayari, nag-text sa amin ang Vilmanian na si Obet Sapin at sa kaniyang pananaw ay hindi maganda ang ginawa nina Coco at Matteo, dahil itinuturing pa naman silang role model ng ating mga kabataan pero ganito naman ang kanilang ginagawa.

Sabi naman ng isa pa naming texter, “Pormal na pormal ang gayak nila, naka-tuxedo pa, pero iskuwateric naman ang asal nila. Bakit hindi na lang sila nag-usap nang maayos?

“Babae lang, nagkakaganyan na sila? Paano kung mas matindi pa ang pinag-awayan nila, baka magpatayan na silang dalawa? Hindi sila magandang ehemplo sa mga kabataan.”

Iba’t ibang bersiyon na ng kuwento ang lumalabas ngayon, kani-kaniyang istorya ang magkabilang kampo, ang takbo ng kuwento ay depende sa kung sino ang nagsasalita at kung kanino ito kampi.

Sabi ng isang kuwento, “Nakita kasi ni Matteo na nagki-kiss sina Maja at Coco, kaya natural, umangat ang dugo sa ulo ni Matteo. Tinanong niya si Maja kung bakit nakikipaghalikan sa iba, ang sinabi ni Maja, ninakawan lang daw naman siya ng halik ni Coco!

Meron pang kuwento na kaya raw napuruhan ni Coco si Matteo, kahit pa di hamak na mas matangkad at mas malaki ang katawan ng batang aktor, ay dahil may mga humawak kay Matteo para hindi makaganti kay Coco.

“Balwarte kasi ni Coco ang pinasok ni Matteo, kaya aasa ba siyang may tutulong sa kaniya doon? Natural, si Coco ang iingatan nila, si Coco ang pagmamalasakitan nila, lalo na’t mas bankable naman si Coco ngayon than Matteo, di ba?” katwiran pa ng isang source.

Mahaba pa ang tatakbuhin ng kaganapang ito, may kung ano-ano pang kuwentong lalabas, ang kuwestiyon na lang ay kung sino ba kina Coco Martin at Matteo Guidicelli ang nasa tamang posisyon sa problemang ito.

Sharon Cuneta – Totoo kayang disgustado na sa kaniyang network?

Habang nanonood kami ng Wil Time, Big Time noong Huwebes nang gabi ay nagsasalimbayan naman ang tinatanggap naming tawag at text dahil sa pagpo-phone patch ni Sharon Cuneta sa programa.

Matagal-tagal ding hindi nagkumustahan sina Sharon at Willie Revillame. Nagdamdam ang aktres sa isang biro ni Willie sa ere noong nasa kabilang istasyon pa siya, pero nagkabati na sila noong nakaraang selebrasyon ng kaarawan ng kanilang kaibigang si Aga Muhlach.

Birong-totoo ni Willie habang magkausap sila sa telepono ni Sharon, “O, pagkatapos mong ibaba ang telepono maya-maya, siguradong tatawagan ka na ng mga taga-ABS-CBN, sasabihin nila sa iyo, ‘Bakit ka ba nag-phone patch sa show na ‘yan?’

Pero gaano katotoo na hindi na maligaya ang Megastar sa ABS-CBN? Minsan nga raw, kuwento ng isang impormante, ay tamad na tamad nang lumabas sa kaniyang dressing room si Sharon habang nagte-taping.

“Eh, kung kilala mo si Sharon, basta masaya siya sa ginagawa niya, eh, ganadung-ganado siya, parang kitikiti sa kakulitan, napakataas ng energy niya!

“Pero kapag may disgusto si Sharon, madaling mahalata ‘yun, tinatamad siya, parang walang kagana-ganang magtrabaho, nawawala siya sa mood,” kuwento ng aming source.

Sa pagkakaalam namin ay may kontrata pa sa Dos si Sharon, may kalayuan pa sa katotohanan ang iniisip ng marami na paglipat nito sa TV5, pero ang kuwentong hindi na masaya ang Megastar sa ABS-CBN ay puwedeng may katotohanan.

Gov. Vilma Santos – Tutukan ang mga pasugalan sa Batangas

SA unang sultada ng interbyuhan nina Governor Vilma Santos at news anchor Erwin Tulfo sa programa nito sa 92.3 News FM (Aksyon TV 41) ay tungkol pa sa laganap diumanong pasugalan sa Batangas ang kanilang tinutukan.

Ayon kay Erwin ay kamay na bakal na ng gobernadora ang kailangan, nangako naman ang Star For All Seasons na gagawin niya ang lahat, para matutukan ng mga kapulisan sa kaniyang probinsiya ang problemang idinulog sa kaniya ni Erwin Tulfo.

Pero sa bandang huli ng kaniyang panayam ay humirit pa si Erwin, “Gob, napakaraming nagpapatanong dito sa studio kung totoo raw bang nagkakamabutihan na ang anak n’yong si Luis at si Jennylyn Mercado?”

“Gob, ang bunso n’yo raw na si Ryan Christian, meron na ring nililigawan? Naipakilala na ba niya sa inyo ni Senator Ralph ang girlfriend niya?” bruskong pagtatanong pa ni Erwin kay Governor Vilma.

“Ka Erwin, showbiz ka na rin, ha?” humahalakhak na tugon ng Star For All Seasons, sabay kambiyo na hindi niya pinanghihimasukan ang lovelife ng kaniyang mga anak, lalo na si Luis na nasa tamang edad na.

“Alam n’yo naman ang mga anak ko, parehong barako, kaya natural lang ang mga ganyang kuwento. Si Ryan, nagdadala na rin siya ng mga kaibigan sa bahay, lalaki at babae, at natural lang naman iyon sa age niya ngayon,” tawa nang tawang pahayag ng napakaganda pa ring aktres-politiko.

Ibang klase ang karisma ni Governor Vilma, kahit sa linya lang ng telepono ay tumatawid iyon sa mga tagapakinig-tagapanood, kapag sincere talaga ang nagbibitiw ng mga salita ay walang kakuwestiyun-kuwestiyon ang kaniyang mga sinasabi.

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback