Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMayo 16-30, 2022

    TONI
 
Toni Gonzaga
  ANDREA
 
Andrea Brillantes
  KAKIE
 
Kakie Pangilinan
  Sharon
 
Sharon Cuneta
  MARIEL ROBIN
 
Mariel Rodriguez & Robin Padilla & kids
  MARIEL
 
Mariel Rodriguez
  nora aunor family
 
Nora Aunor & family

Toni Gonzaga – Panalong panalo!

May nakakuwentuhan kaming tagasuporta ng UNITeam. Halos lahat ng rally ng kampo ay nasamahan nito. Sobrang saludo ang aming kausap kay Toni Gonzaga.

Napakatalino raw ng aktres-singer-TV host, dahil kung ano ang script na ibinibigay ng mga namamahala sa rally ay titingnan lang niya, isisigaw na nang walang binabasa.

“She’s very articulate, yes, pero kapag nalaman mo na wala siyang binabasang kahit ano sa mga sinasabi niya onstage, e, lalo kang hahanga sa kaniya!

“She’s very retentive, grabe ang memory ni Toni, bibihirang artista ang ganoon sa kaniya! Tuloy, maiisip mo si VP Leni Robredo na lahat ng sinasabi, e, binabasa lang niya.

“Kapag ganoon kasi, e, naisasantabi ang puso, mata at bibig lang ang gumagana, nawawala ang sincerity,” sabi ng aming kausap.

Napapanood namin ang mga talumpati ni VP Leni. Napansin din namin iyon. Nawawala ang eye-to-eye contact, kumakawala ang sinseridad, dahil ang pokus ng kandidato ay sa kaniyang binabasa.

Maging noong isang gabi nang magbigay ito ng pormal na pahayag tungkol sa kasalukuyang bilangan ay may binabasa na namang script si VP Leni. Maganda pa naman ang daloy ng kaniyang pahayag, kumakagat dapat iyon sa puso, pero dahil binabasa lang nito ang mga salita ay nawawalan ng pagiging tapat at mapuso.

Magiging iba na si Toni Gonzaga kumpara sa iba. Sa puso nagmumula ang kaniyang mga sinasabi, wala siyang binabasa, maligaw man siya ay alam niya kung saan siya babalik.

Ang mga pangungusap kasing binabasa ay may kakambal na disgrasya. Kapag may mga nalampasang salita ang nagbabasa ay wala na, ligaw na ligaw na, dahil hindi nga galing sa puso at sa bibig lang.

Bukod sa wala nang binabasa si Toni Gonzaga ay buhay na buhay pa siya sa entablado, para siyang binayaran nang milyun-milyon sa bawat pag-akyat, kumakanta pa siya na parang wala nang bukas.

Panalung-panalo si Toni Gonzaga!

Andrea Brillantes – Tinawag na bobo ang mga bumoto kay BBM

Nakuha ni Andrea Brillantes ang atensiyon ng buong bayan noong nakaraang halalan. Pero sa kanegahan. Sa paglantad ng mga numero kung sinu-sinong politiko ang nanalo at natalo ay hindi pa rin nabahag ang buntot ng babaeng ito.

Kung gaano siya kaingay noong kampanyahan ay nadoble pa ang kaniyang pagiging maangas, tinawag niyang bobo ang mga kumampi kay BBM, nasaan daw ang utak ng grupo?

Marunong namang magbasa at magbilang si Andrea, nagbibilang nga siya ng karelasyon, pero kung bakit hindi niya maintindihan na super-kilometriko na ang layo ng kalamangan ng ayaw niyang politiko sa minanok niyang kandidato.

Balita nami’y may mga nagpapayo naman sa dalaga na manahimik na dahil nagdesisyon na ang publiko pero sadya nga sigurong matigas ang ulo ng babaeng ito.

Sabi ng isang hindi nagkakagusto sa mga pasaring ni Andrea, “Saan ba humuhugot ng tapang at kabastusan si Andrea? Sana, kung gaano kakapal ang kilay niya, e, ganoon din kakapal ang pang-unawa niya!

“At sana, kung gaano siya kakapal maglagay ng mascara, e, ganoon naman kanipis ang kaangasan niya!” sabi nito.

Walang alam sa kilatis ng politika si Andrea Brillantes, binabasa nga lang niya ang mga isinisigaw niya sa entablado ng Kakampink, pero kung makaasta siya ay para bang napakalawak na ng kaalaman niya sa mundong pinasok niya.

Pero kailangan din nating alalahanin na mamamayan ng Pilipinas si Andrea, may karapatan siyang maging malaya sa pagpili ng napupusuan niyang kandidato, hindi siya dayuhan sa bansang ito.

Kakie Pangilinan – Napakamaldita, negang nega ang dating!

Kung ang masasakit na salita ay literal na sumusugat sa katawan, siguradong wala nang bakanteng makinis na bahagi ng katawan ngayon ang panganay na anak nina Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta, punumpuno na ng galos at sugat ang buong katawan ni Kakie Pangilinan.

Matapang na post ni Kakie, “I am not going to have my president be named Ferdinand Marcos ever!” Nagpahayag din ang dalaga na ang resulta ng eleksiyon ngayon ay matagal nang nabili.

Natural lang na nag-umalsa ang mga tagasuporta ni BBM na milya-milya na ang kalamangan ng boto ngayon kay VP Leni, umuwi sa personalan ang mga birada, busog na busog sa kanegahan si Kakie.

Punumpuno rin ang You Tube ngayon ng mga vlogs na umaatake kay Kakie, ang sabi ng isang nagsalita, “Itong si Kakie, kapos na nga sa ganda, e, nagmamaldita pa! Kung ang ate nga niyang si KC na pagkaganda-ganda, e, walang sinasabing anumang nega, siya pa ba ang aarte ng ganyan!”

Litanya naman ng isa pa, “Puwes, kung ayaw niyang maging Ferdinand Marcos uli ang presidente ng Pilipinas, e, lumayas siya! Panindigan niya ang mga kuda niya! Alis, alis!”

Isang kababayan naman natin ang nagpaalala kay Kakie na pag-aralan at saliksikin niya ang nakaraan. Magdahan-dahan daw sa pagsasalita ang anak nina Kiko at Sharon dahil siguradong sosoplakin siya ng katotohanan.

“Ang lolo niyang si Ka Ambo, ilampung taon na naging mayor ng Pasay City. Ama ng ina niya si Ka Ambo! Napakalaki ng ginanansiya ng pamilya Cuneta noong rehimeng Marcos, puwede ba?

“Research-research muna sa nakaraan bago kumuda para hindi mapahiya! Hindi ba iyon ikinukuwento sa kaniya ng nanay niya?” madiing sabi ng ating kababayan.

Huwag na lang sana silang pinagkukumpara ni KC Concepcion. Isa lang ang kanilang ina pero magkaiba ang kanilang ama.

Aminado naman si Sharon na napakaguwapo ng ama ni KC kumpara sa tatay ni Kakie.

Sharon Cuneta – Umiral na naman daw ang pagiging plastikada

Bago bumaba ang kurtina sa pinakahuling rally ng grupo ng Kakampink ay nagparamdam na ng pagpapakumbaba si Sharon Cuneta sa mga taong sadya man o hindi ay maaaring nasaktan niya ngayong eleksiyon.

Hindi naman siya humingi ng patawad kina BBM at Mayor Sara, pero ang kaniyang pananalita ay may kakambal na panghihingi ng pang-unawa, sana raw ay maging magkakaibigan pa rin sila pagkatapos ng halalan.

Ang ramdam naming tumusok sa kaniyang emosyon ay nang maghatid na siya ng mensahe para kina Senate President Tito Sotto at Tita Helen Gamboa na itinuturing niyang pangalawang magulang.

Pasasalamat ang kaniyang mensahe kay SP Tito Sotto na direktang nakalaban sa posisyon ng kaniyang asawang si Senador Kiko Pangilinan. Sana raw ay hindi iyon maging dahilan ng pagkawasak ng kanilang mga pamilya.

Sa kaniyang Mama Helen ay bumagsak na ang luha ng Megastar, siya kasi ang itinuturing na panganay na anak nina SP Tito at Tita Helen, kaya nga lang ay naipit siya sa mga nag-uumpugang bato.

Maayos ang kaniyang mensahe, pakiramdam nami’y mula naman sa puso, pero negatibo ang naging dating ng kaniyang ginawa para sa mas nakararami nating kababayan.

Sa social media ay pinagpistahan si Sharon, umiral na naman daw ang pagiging plastikada niya, hindi na raw niya makukuha sa pagdadrama ang mga kababayan natin.

Binalikan pa ng mga hindi sumang-ayon kay Sharon ang mga lintanyang binitiwan niya sa mga nakaraang kampanya ng Kakampink. Matatapang ang kaniyang mga litanya, nang-uusig, nanghuhusga.

Si Sharon Cuneta lang ang tanging nakakaalam kung ang mga binitiwan ba niyang salita sa huling gabi ng kampanya ay mula sa kaniyang puso o dumaan lang sa butas ng kaniyang ilong.

Robin Padilla – Number one sa pagka-Senador

Maraming pinatunayan ang eleksiyon 2022. At ang dami-daming pinabulaanan ang katatapos lang na halalan na napakatagal na nating pinaniniwalaan.

Kapag wala raw salapi at makinarya ang polotiko ay hindi mananalo. Pero nag-number one si Robin Padilla sa pagka-senador. Awang-awa si Mariel Rodriguez sa kaniyang asawa na palaging “inaampon” nina Senador Jinggoy Estrada at Secretary Mark Villar sa kanilang mga kampanya sa malalayong probinsiya.

Stratehiya sa kampanya. Kung ano raw ang pinakamahinang parte ng buhay ng isang kumakandidato ay iyon ang kailangang puntiryahin ng kaniyang katunggali.

Pero nanalo nang milya-milya si dating Senador Bongbong Marcos sa halalan. Mahigit pa sa kalahati ng kaniyang boto ang kalamangan niya kay VP Leni Robredo. Sablay ang campaign strategy ng mga Kakampink.

Sukat ba namang mula umaga hanggang hatinggabi ay sigaw sila nang sigaw nang magnanakaw, ano ang nangyari sa kanilang mga paninira, naumay ang bayan!

Kapag marami raw artista sa kampanya ay siguradong panalung-panalo na ang kandidato. Makukuha na raw nito ang mas malaking boto ng bayan.

Parang musical variety show ang gabi-gabing kampanya ng Kakampink dahil sa sangkatutak na artista at singers na nandoon. Totoo namang tinatao ang kanilang kampanya, dinadayo ang kanilang mga rally, pero naipanalo ba ng mga sikat na singers at artista sina VP Leni at Kiko Pangilinan?

Maraming aspetong pinasinungalingan ang nakaraang eleksiyon. Boses pa rin ng bayan ang naghahari. Kung sino ang pinusuan ng mga botante ay iyon pa rin ang nagtatagumpay.

At kailangang tanggapin natin king sinu-sino ang mapapalad na nagsipagwagi. Hanggang sa galit at panghihinayang na lang ang magagawa ng mga talunan.

Mariel Rodriguez – Sobra ang sakripisyong pinagdaanan

Nasa Spain ngayon si Mariel Rodriguez at ang mga anak nina Robin Padilla. Isinasama rin ni Mariel sa biyahe ang kaniyang lolo at lola na nagpalaki sa kaniya.

Dapat lang namang regaluhan ni Mariel ng masarap na pahinga ang kaniyang katawan, ilang buwan siyang nagsakripisyo sa kandidatura ni Robin, grabe ang pinagdaanan ni Mariel.

Dakilang misis nga ang tawag namin kay Mariel dahil wala siyang kapaguran. Para siyang makina noong panahon ng kampanya ni Binoe, ginagawa niyang araw ang gabi, maiayos lang ang mga pangangailangan ng kaniyang mister.

Iyon ang matatawag nating tunay na pagmamahal. Isandaang porsiyento ang kaniyang paniniwala sa mga ipinaglalaban ni Robin, wala siyang duda, kaya dalawa silang humarap sa laban.

At sino nga ba ang mag-aakala na masusulat pala sa kasaysayan ng pulitika ang pangalan ng kaniyang asawa sa pangunguna bilang senador.

Puro panlalait ang tinanggap ni Robin nang una itong magdeklara ng kaniyang kandidatura, ano raw naman ang magagawa ng isang artista LANG sa Senado, ano raw ang maipagmamalaki ng isang Robin Padilla sa mundo ng pulitika?

Pero kinabog silang lahat ng sikat na action star. Wala itong makinarya, kapos sa puhunan sa kampanya, nakikisabay lang ito sa motorcade ng kaniyang mga kapuwa artista.

Iyak nang iyak si Mariel kapag inaalala niya ang mga sakripisyong pinagdaanan nila ni Robin. Sobra ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga tumulong sa kanila sa kampanya.

Pinasinungalingan ni Robin Padilla na pera-pera lang ang pulitika. Wala itong ipinamahaging pera kahit kanino, walang-walang ibibigay ang aktor, pero ano ang naging resulta ng botohan?

Pinagkatiwalaan ng ating mga kababayan si Robin Padilla, pinahalagahan ng publiko ang kaniyang panaginip ng Federalismo, panalung-panalo si Binoe!

Maligayang bati, Senador Robinhood Cariño Padilla, mabuhay ka!

Nora Aunor – Wala nang mahihiling pa

Napakaligaya ng Superstar noong nakaraang selebrasyon ng Mother’s Day. Wala na siyang mahihiling pa dahil sinadya siya para batiin ng kaniyang mga anak na sina Ian, Matet, Kiko at Kenneth.

Natural, ang hahanapin na naman ng marami ay kung sino ang wala. Ganoon naman talaga. Hindi na hinahanap pa ang nandoon naman.

Wala si Lotlot. Naku, pinakaalibughang anak na naman ni Nora Aunor si Balot, ito na naman ang pinuputakti sa social media, wala raw itong utang na loob.

Kunsabagay ay ano pa nga ba naman kasi ang terminong gagamitin para sa isang anak-anakan na pagkatapos mahalin, alagaan, pag-aralin at kung anu-ano pang pabor ay wala man lang pagpapahalaga sa taong kumupkop sa kaniya.

Kitang-kita ang kaligayahan sa mga mata ni Nora Aunor. Pagkatapos nang mahaba-habang panahon ng hindi nila pagkakaunawaan ng kaniyang mga anak ay heto, muli na silang nagsasama-sama, wala nang pader sa pagitan nila.

Hindi tayo nakapamimili ng anak. Kung paanong hindi rin naman nakapamimili ng magulang ang mga supling. Sabihin na lang natin na sinuwerte si Nora kina Matet, Kiko at Kenneth nang ituring niyang mga anak ang tatlo.

Walang kuwestiyon kay Ian, mula sa sinapupunan ng Superstar ang aktor, kumpara sa apat nitong kinikilalang kapatid na mula sa puso ng kanilang ina.

Tama ang ginagawa ng magkakapatid. Napakaigsi lang ng buhay. Habang kaya pang namnamin ni Nora ang kanilang pagmamahal ay kailangang ipatikim na nila.

Habang nand’yan pa ang Superstar ay ipaamoy na nila ang mababangong bulaklak, yakapin na nila nang ubod-higpit, dahil kapag dumating ang panahon na wala na ang kanilang ina ay saka sila susurutin ng kanilang kunsensiya.

Hindi kayang pantayan nang kahit magkano ang pagmamahal at malasakit na ipinalasap ni Nora Aunor sa kaniyang mga anak. Walang sasapat na halaga.

Walang-wala.

Ang mundo ng politika at showbiz

Ang mundo ng showbiz at ng politika ay eksaktong magkatulad ngayon. May isang mukha na nakangiti at ang isa naman ay malungkot.

Sa panahon ng pandemya na ang akala natin ay hindi gaanong magpapakalunod sa politika ang mga artista ay saka naman sila naglabasan at parang mga palakang naulanan na nagkani-kaniya na ng mamanuking politiko.

Parang nahati lang sa dalawang partido ang kanilang sigaw. Sa Kakampink at sa Berde at Pulahan. Nagkaroon ng mga parinigan, ng mga patagilid na kantiyaw, may mga magkakaibigang pinaghiwalay ng kulay na kanilang isinusulong.

Dumating na ang araw ng paghuhukom. Nagsalita na ang sambayanan. Magbago man ang mga numero sa pagitan ng BBM-Sara at VP Leni Robredo-Kiko Pangilinan ay kitang-kita na ang malinaw na larawan.

Literal na pinakain ng alikabok ng Uni-Team ang Kakampink. Kalahati ang kalamangan nina BBM-Sara sa kanilang mga katunggali. Napakasaklap na katotohanan iyon para sa mga pambato ng tropa lalo na para sa kanilang mga tagasuportang artista.

Madiing reaksiyon ng kaibigan naming propesor, “Masyado kasing nilait ng mga Kakampink si BBM! Wala ka nang maririnig sa kanila kundi magnanakaw, magnanakaw, magnanakaw! Ayun tuloy, sila ang ninakawan ng inaasahan nilang boto ng mga nabuwisit na kababayan natin!

“Mali ang taktika ng kampanya nila! Nasa Pilipinas sila! Sa bansang ito, habang dinidikdik mo ang isang tao, habang nilalait-lait mo, e, kinaaawaan! Wrong strategy, ibitin nila sa puno ang kung sinumang nagpasimuno sa kampanya nila!” inis na inis na komento ni prop. –CSF

Showbiz Na banner