Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminDisyembre 1-15, 2021

    Bea Alonzo
 
Bea Alonzo
  Tom Rodriguez, Jasmine Curtis-Smith & Alden Richards
 
Tom Rodriguez, Jasmine Curtis-Smith & Alden Richards
  Kim Chiu
 
Kim Chiu
  Jennylyn Mercado & Dennis Trillo
 
Jennylyn Mercado & Dennis Trillo
  Janine Gutierrez & Rayver Cruz
 
Janine Gutierrez & Rayver Cruz
  John Lloyd Cruz
 
John Lloyd Cruz
  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  JC Santos & Yassi Pressman
 
JC Santos & Yassi Pressman
  Rico Yan & Claudine Barretto
 
Rico Yan & Claudine Barretto
  Daniel Padilla
 
Daniel Padilla
  Governor Chavit Singson & Senator Manny Pacquiao
 
Governor Chavit Singson & Senator Manny Pacquiao

Bea Alonzo – Napakagandang modelo

Nasa gitna pa rin talaga ng aksiyon si Bea Alonzo. Sikat pa rin siya, mainit pa rin siya sa mata ng publiko, nasa gitna pa rin siya ng entablado.

Anumang galaw niya ay pinapansin, kahit ano ang sabihin niya ay kinokontra, kaya ang isahang komento ng kaniyang mga tagasuporta ay relevant pa rin ang kanilang idolo.

Sabi ng isa niyang basher, “Kung kailan ka tumanda, saka ka pa nagburles!” Sabi naman ng isa pang mapakla ang panlasa sa aktres, “Laylay na ang balat mo!”

Tinitigan naming mabuti ang mga retratong naglalabasan ni Bea bilang pinakahuling tagapag-endorso ng isang inuming nakalalasing. Hindi siya hubo’t hubad. Nakadamit siya. Ang terminong pagbuburles ay ginagamit lamang sa walang kahit anong saplot sa katawan.

Sinentruhan namin ang kaniyang bandang kilikili at braso na sinasabi ng basher na laylay na. Walang balat na nakalaylay. Napakakinis na at maayos tingnan ang kaniyang kabuuan.

Napakagandang modelo ng inuming nakahihilo at nakalalasing si Bea Alonzo. Mapanghalina ang kaniyang ganda. Sexy ang aktres sa kaniyang sariling paraan.

Nasa gitna pa rin ng giyera si Bea Alonzo. Hinding-hindi totoong laos na siya kaya tinangap ang pag-eendorso ng alak.

Marami pa siyang balang ipuputok.

Galing sa hirap si Bea Alonzo. Hindi siya nahihiyang ikuwento na noong nag-aartista na siya ay puro hiram lang ang mga damit at sapatos na isnusuot niya.

Kahit hatinggabi na ay kinakatok nila ng kaniyang ina ang bahay ng kanilang mga kaibigan para lang makapanghiram ng mga damit na isusuot niya sa taping.

Kapag ganoong umabot sa sukdulan ang kahirapan ay natututong mag-ingat sa kaniyang kinikita ang kahit sino. Ginagawa niyang inspirasyon ang mga biyayang tinatanggap niya na nagdamot sa kaniya noong bata pa siya.

Napakaganda ng resulta ng pagiging masinop ni Bea Alonzo. Napakarami na niyang naipupundar. Ang Beati Farm niya sa Zambales ay isang patunay ng kaniyang pagsisikap at pagsasakripisyo.

Ilampung ektarya iyon na tinaniman nila ng mga puno ng mangga na napakaayos ng pagkakahilera. Mayroon din silang mga alagang hayop, palaisdaan, pinatayuan din niya ng mga bahay ang napakalawak na farm.

Nasundan din namin ang kaniyang pa-house tour, hindi lang basta malaki ang kaniyang bahay, punumpuno iyon ng paintings at muwebles na hindi biro ang halaga.

Pangarap niya talaga ang magkaroon ng bahay kung saan magiging kumportable ang kaniyang pamilya. Binabalikan niya ang nakaraan na halos magkapalitan na sila ng mukha ng kaniyang ina at mga kapatid sa kaliitan ng kanilang tirahan.

Kapag napagod na sa pag-aartista si Bea Alonzo at kapribaduhan na ang gusto niya ay siguradong hindi siya matutulad sa ibang artistang nagkamal ng salapi pero naghihirap ngayon.

“Maraming taon po bago ko naipundar ang lahat ng mayroon ako ngayon, nabiyayaan lang po ako at iningatan ko naman ang pinaghihirapan ko.

“Kulang po ang basta pasasalamat lang kay Lord sa naging resulta ng pagsisikap ko. Sobrang salamat talaga,” pahayag ng magandang aktres.

The World Between Us – Nagbalik na sa ere

Umiinit na uli ang mga eksena sa seryeng pinagbibidahan ni Alden Richards na nagbalik na uli sa himpapawid noong nakaraang Lunes.

Maraming tumawag sa amin para lang sabihing parang hindi maganda para sa isang serye ang pagkakaroon ng season break. Bumababa ang entusiyasmo ng manonood, bagsak ang momentum, mayroon silang mga patotoo kung bakit.

Isang tagahanga ni Alden ang nagsabi, “Binantayan namin ang social media, hindi nag-trending ang pagbabalik ng The World Between Us, samantalang dati, konting kibot lang, trending na agad sila!

“Bigyan lang ng close-up si Alden na kitang-kia ang dimples niya, grabe na agad ang trending!” sabi nito.

Napansin naman ng kausap naming direktor na kahit ang kaniyang mga kasambahay ay parang hindi na excited sa pagbabalik ng serye, may iba nang tinututukan ang mga ito, nakasingit ang ibang serye sa pansamantalang pagkawala sa ere ng TWBU.

Pinatunayan ng direktor na talagang hindi magandang pinuputol ang serye sa kalagitnaan nito, hindi maganda ang resulta ng season break, sana raw ay nagmarka sa pamunuan ng GMA-7 ang naging desisyon nila sa The World Between Us.

Pero sa napanood naming episode noong Huwebes nang gabi ay umiinit na uli ang mga tagpo, maghihiganti na si Louie Asuncion sa ginawang kawalanghiyaan sa kaniya nina Tom at Sid, ganoon ang mga eksenang gustung-gusto ng mga tagahanga ni Alden.

Halos wala nang pahinga ngayon sa pagtatrabaho ang Pambansang Bae dahil sa ibang bansa siya magbabakasyon ngayong Kapaskuhan kasama ang kaniyang pinsan.

Sabi ng isang kaibigan naming businessman, “Tama iyon. Para na siyang makina sa pagtatrabaho sa buong taon, he should find time naman for himself. Pagbalik niya, bagong pahinga ang machine, handa na namang magtrabaho nang walang pahingahan.”

Kim Chiu – Binabash na naman sa social media

Nakakaawa naman si Kim Chiu. Grabe ang tinatanggap niyang bashing ngayon dahil sa kinunan niyang kuwadro ni Bea Alonzo na tinanggal na sa pader ng ABS-CBN.

Humahalakhak pa raw si Kim, tuwang-tuwa pa siya habang kinukunan iyon, kaya todo-todo ang galit sa kaniya ng mga tagasuporta ni Bea.

Maganda ang kalooban ni Kim sa pagkakakilala namin sa kaniya, walang masamang buto sa katawan ang dalaga, ano nga kaya ang nagtulak sa kaniya na kunan pa ang pagtatanggal ng kuwadro ni Bea sa pader ng ABS-CBN?

Pati ang napakatagal na nilang naging relasyon ni Gerald Anderson ay nabubuklat pa ngayon. Marami nang nakarelasyon ang male personality pagkatapos nila pero pati iyon ay ipinamumukha pa ngayon kay Kim.

Hindi pa raw siya nakapagmu-move-on, si Gerald pa rin daw ang mahal niya, kaya sinaktan niya si Bea.

Ang pinakamaganda sigurong dapat gawin ngayon ng mga artista ay huwag nang panghimasukan pa ang ginagawang paglipat ng network ng kanilang mga kasamahan sa Dos.

Ipit si Kim. Tanungin man siya ngayon kung ano ang dahilan ng kaniyang ginawa ay hindi rin niya naman masasagot nang maayos. Lalo lang siyang maba-bash.

Sabi ng isang basher ni Kim, “Huwag niyang sabihing bata pa siya kaya nadala lang siya ng emotion niya. Kitang-kita namang humahalakhak pa siya, ano iyon? Umalis na nga si Bea sa station nila, sinusundan pa rin niya para saktan?”

Ganoon talaga ang magiging resulta ng kaniyang ginawa. Bakit kasi si Bea pa ang kinunan niya ng pag-aalis ng larawan sa pader, bakit hindi na lang ibang artista, kung kinakati talaga ang kamay niya?

Ngayon pa namang panahon na ito, kahit ano na lang ay nagiging malaking isyu, kahit wala namang intensiyong hindi maganda ang gumawa.

Lahat ay may kahulugan, lahat ay malaking kontrobersiya na, lahat ay binibigyan ng kakaibang kulay.

Jennylyn Mercado – Hirap sa pagbubuntis

Sa matinding pinagdaanang sakripisyo ni Jennylyn Mercado sa dinadala niyang binhi ngayon ng anak nila ni Dennis Trillo ay harinawang mairaos niya nang ligtas ang siyam na buwan niyang pagdadalantao.

Aminado si Jennylyn na mahirap siyang mag-produce ng egg cells, may problema pa siya sa puso, kaya kinailangan nilang magpunta salas Vegas at sa Dallas para humanap ng surrogate mother.

Tatlong beses sa isang araw ang kaniyang injection, napakarami pa niyang iniinom na gamot na pampakapit ng bata, kaya hirap na hirap si Jen.

Umalis sila sa Dallas na may magandang resulta na ang gamutan, magpipirmahan na lang sila ng kontrata ng surrogate mother, pero ipinaimbak na lang muna nila ang kanilang mga embryo para hintayin ang tamang panahon.

Pagbalik nila ay nakaramdam ng kakaiba si Jennylyn, madali siyang mainis, konting bagay lang ay ikinagagalit na niya. Madalas silang magtalo ni Dennis nang wala namang dahilan kung tutuusin.

Nasa lock-in taping na siya noon ng serye nila ni Xian Lim, noong maramdaman na niya ang madalas na pagsusuka ay nagpa-check-up na siya, pagkatapos mag-pregnancy test na positibo ang resulta.

Kinailangan na niyang magpahinga, saka na ang trabaho sabi ni Dennis, silang mag-ina ang mahalaga. Si Dennis ang personal na nag-alaga kay Jen, ito ang nagluluto at naghahanda ng pagkain ng kaniyang misis, kasama rin ito ni Jen sa pagpapa-check-up.

Threatened abortion ang kanilang iniiwasan, konting pisikal na gawin lang kasi ng aktres ay sumasakit na ang kaniyang puson, ang kaniyang pelvic area ay kumikirot din.

Sabi ni Jen, “Napakasarap palang magbuntis na may kasama ka. Sobra ang pag-aasikaso sa akin ni Dennis, siya ang gumagawa ng lahat-lahat, nagpapasalamat talaga ako at nandito siya.”

Napaaga ang kanilang pagpapakasal, isinabay na rin nila ang gender reveal ng kanilang anak sa araw ng kanilang kasal, pareho nilang gusto na sa panganganak ni Jen ay legal na legal na ang kanilang relasyon.

Rayver Cruz at Janine Gutierrez – Hiwalay na

Kung maraming personalidad na nagpapakasal ngayong pandemya ay marami ring mga artistang matagal nang magkarelasyon na nagkakahiwalay.

Masayang-malungkot ang ganoon, lalo na at pareho nilang ipinaglaban ang kanilang relasyon, pero sa wala rin naman pala iyon mauuwi.

Maraming nanghihinayang sa relasyon nina Rayver Cruz at Janine Gutierrez. Sa isang panahon na ang akala ng marami ay matibay ang pundasyon ng kanilang pagmamahalan ay hindi pala.

At parang hindi madaling tanggapin ang dahilan na nawalan na sila ng oras para sa isa’t isa, may kababawang katwiran iyon para sa mas nakararami, dahil ang mga tunay na nagmamahalan ay gumagawa ng panahon para sa kanilang relasyon.

Baligtad ang naganap sa relasyon nina Rayver at Janine, sa halip na mas lumalim ang kanilang pagmamahalan dahil hindi sila gaanong nagkikita ay tumabang iyon, lumipad ang pagka-miss nila sa bawat isa.

Doon pumasok ang mga pangalan nina Paulo Avelino at Julie Ann San Jose na mas madalas nilang nakakasama dahil sa kanilang mga proyekto.

Naka-lock-in sina Janine at Paulo para sa kanilang serye, mas malapit ang tukso sa ganoong proseso, idagdag pa ang mga papel na ginagampanan nila bilang magkarelasyon na kinakikiligan ng kanilang mga tagasuporta.

Hindi kami naniniwala sa dahilang wala na silang oras sa isa’t isa, sobrang babaw noon, dahil kung gusto ay may paraan at kung ayaw ay maraming dahilan.

Hindi pa lang nagsasalita sina Rayver at Janine, naghihintay pa sila sa tamang pagkakataon, pero siguradong may mas malalim na pinaghuhugutan ang kanilang hiwalayan.

Mas kapani-paniwala pa nga iyong katwiran na isang araw ay nagising na lang sila na hindi na pala sila masaya. Nagkapatung-patong na pala ang mga senaryong nagpalabnaw sa kanilang relasyon.

Pero hindi pa rin iyon ipinanganak nang biglaan, unti-unti iyon na naipon nang naipon, hanggang sa sumabog na ang bulkan.

John Lloyd Cruz – Guwapo na, magaling pang aktor

Nasa tamang puwesto ang dila ni John Lloyd Cruz sa panayan ni Jessica Soho. Walang halong pagyayabang, hindi makasarili, maganda ang daloy ng kaniyang pananalita.

Magaling naman siyang mag-Ingles, pero ginamit niya ang ating wika, naging maayos tuloy ang mga bagay-bagay na gusto niyang makatawid sa publiko.

Kunsabagay, sa totoong buhay naman ay mapagkumbaba si JLC, para ngang hindi niya nararamdaman kung gaano siya kasikat. Parang wala lang, magkukulit siya kung gusto niya, pantay-pantay lang ang tingin niya sa lahat.

Mas ginamit ni John Lloyd ang tamang posisyon ng kaniyang dila nang mapag-usapan na ang relasyon nina Derek Ramsay at Ellen Adarna. Aminado si Lloydie na maingat siya kapag sina Derek at Ellen na ang paksa.

“Finally, she found the one,” patungkol niya kay Ellen kasunod ang isang magandang hiling para sa mga bagong kasal. Walang maibubutas ang kahit sino sa kaniyang mga sinabi.

Kung palaging ganoon kay John Lloyd ang mga artistang hinihingan ng komento tungkol sa dati nilang karelasyon ay walang magiging gulo. Pupurihin pa nga sila dahil sa kabila ng naganap ay maganda pa rin ang kanilang hangad para sa ex nila.

Malalim kausap si JLC. Kahit sa mga ordinaryong panayam ay lumulutang talaga ang kaniyang talino. Hindi siya basta-basta nagbibitiw ng mga salitang makapananakit sa damdamin ng kaniyang kapwa.

Nang pansamantala siyang magpahinga para namnamin ang pagiging pribadong tao niya ay isa lang ang sigaw ng ating mga kababayan. Siguradong may babalikan siyang trabaho kapag gusto na niya uli.

Nasa GMA-7 na siya ngayon. Nakahanda nang magtrabaho. Babalikan na niya uli ang mundong minahal niya na mas nagmahal sa kaniya pabalik.

Hindi lang kasi siya guwapo. Nag-iwan siya ng markang hindi maaaring kalimutan ng publiko. Magaling siyang aktor.

May linamnam ang kaniyang pag-arte. May saysay. Hindi lahat ng mga artistang guwapo ay maituturing na aktor.

Iyon ang napakalaking bentahe ng isang John Lloyd Cruz.

Angel Locsin – Inilaglag ni Kris Aquino

Nalagay sa alanganin si Angel Locsin dahil lang sa pagpapadala niya ng mensaheng ipinost ni dating Mayor Herbert Bautista tungkol kay Kris Aquino.

Nagmagandang-loob lang naman iyong tao na iparating sa kaniyang ate ang mensahe dahil walang Twitter account ito pero siya pa ngayon ang bina-bash.

Tinatawag na Maritess ngayon si Angel, may nagsasabi ring laos na kasi siya, kaya ganyan na lang ang pinagtutuunan niya ng oras ngayon.

Alas singko nang madaling-araw nang matanggap ni Kris ang mensahe ni Angel nang mag-CR ito, weird daw si Angel dahil nang sumagot ito ay gising pa rin si Angel, kasabay ang tanong kung puwede bang sabihin nitong siya ang nagpadala ng tweet?

Nabasa iyon ng publiko, kaya agarang may mga nagkomento na nakakatakot magsalita kay Kris, dahil inilalaglag nito ang kaniyang source.

Sabi ng isang source, “Ang matinding away nila ni Ai-Ai delas Alas, hindi ba ang panglalaglag niya ang dahilan? Kung anu-anong paninira kay James Yap ang isinusumbong niya, ano raw ba ang dapat niyang gawin?

“Natural, mag-BFF sila, ang sinabi ni Ai-Ai, kung hindi na siya maligaya, e, isoli na lang niya si James sa biyenan niya!

“Ayun! Noong nagkasundo sila ni James, e, inilaglag niya si Ai-Ai! Tinawagan ni James si Ai-Ai, bakit daw kung anu-ano ang isinusulsol niya kay Kris? Ganoon lang kasimple iyon, nakakatakot siya, ikaw na tumulong pa ang mapapasama!” madiing sabi ng aming source.

At ngayon nga ay si Angel Locsin din ang napasama. Kung anu-anong negatibong salita ang ipinakakain ngayon sa aktres, miyembro na raw siya ng tropa ni Maritess, samantalang wala namang negatibong intensiyon si Angel nang ipadala niya ang mensahe ni Mayor Herbert kay Kris.

JC Santos at Yassi Pressman – Mahusay ang pagganap

Kung gusto ninyong maglinis ng mga mata sa pamamagitan ng pagluha ay pakihanap po ni n’yo sa VivaMax ang pelikulang More Than Blue na pinagbibidahan nina JC Santos at Yassi Pressman.

Makabuluhan ang proyekto sa direksiyon ni Nuel Crisostomo Naval. Walang sayang na eksena. Hindi rin mababalewala ang inyong panahon.

Napakahusay nina JC at Yassi sa pagganap bilang matalik na magkaibigan na may lihim na pagmamahal sa isa’t isa. Istorya ito ng isang dakilang pag-iibigan sa kanilang sumpaan na hindi sila kailanman mag-iiwanan.

Kahit kailan ay hindi binibigo ni JC Santos ang kaniyang manonood. Sa kaniyang simpleng pag-arte na punumpuno ng emosyon ay sinabi ng kaibigan naming napakapanood ng More Than Blue, “I didn’t cry a river. I cried an ocean.”

Pinantayan ni Yassi ang pagganap ni JC, silang dalawa ang nagpapagalingan sa mga eksena, kaya ang manonood ang nabiyayaan sa kanilang husay sa pagganap.

Napakahusay ng pagkakalatag ng istorya, nilaro pa ng editor ang mga noon at ngayon sa kanilang buhay, at noon pa man ay itinatangi na namin si Direk Nuel Naval sa paghawak ng pelikula.

Sa isang eksena ay ihinahanda na ni JC si Yassi sa kaniyang pamamaalam dahil sa cancer. May taning na ang kaniyang buhay. Siya pa ang humanap ng lalaking magmamahal kay yassi kapag wala na siya (Diego Loyzaga).

Sabi ni Yassi, “Huwag mo akong kakalimutan kahit saan ka magpunta, ha?” Lumuluhang sinagot iyon ni JC sa kaniyang isip lang, “Hindi lang kita hahanapin. Ipapakiusap pa kita sa Diyos.”

“Naniniwala ka ba sa reincarnation?” tanong ni Yassi. Ang tugon ni JC, “Sige, magiging unan ako para palagi mo akong kayakap.”

Tapos mo nang panoorin ang More Than Blue ay iyak ka pa rin nang iyak. Nag-uunahan pa rin sa pagbagsak ang sipon sa dalawang butas ng ilong mo sa sobrang lungkot.

Claudine Barretto – Pinagtaasan lang ng kilay ng netizen

Dalawang isyu ang pinaputok ni Claudine Barretto. Una ay ang diumano’y pagpapabaya sa kaniya sa emergency room ng isang ospital.

Ikalawa ay ang love note daw sa kaniya ng namayapang si Rico Yan noong magkarelasyon pa sila. Ang problema ay nagdalawang-isip ang ating mga kababayan na paniwalaan ang kaniyang mga posts.

Alangan naman daw na hindi siya nakilala ng mga nurses sa ER ng ospital na pinuntahan niya dahil sa sobrang sakit ng kaniyang tiyan. Dalawang oras daw siyang pinaghintay at wala raw doktor sa ER.

Malaki naman talaga ang ipinagbago ng itsura ni Claudine Barretto ngayon. Para siyang siopao na sumobra ang pag-alsa dahil sa kaniyang katabaan. Pero makikilala pa rin siya sa kabila noon.

At tama si prop, siguro raw ay inuna muna ng mga nurses ang mga pasyenteng totoong nangangailangan ng pagtutok, dahil si Claudine ay abalang-abala sa kaniyang cellphone para sa IG post niya.

Pinagdudahan ng mga netizens ang kaniyang sumbong tungkol sa ospital na binura rin naman niya agad.

Isa pang pinagtaasan ng kilay na nauwi sa pamba-bash kay Claudine ay ang inilabas niyang love note daw sa kaniya ni Rico Yan noong mga huling taon ng dekada ‘90.

Mahigit na dalawang dekada na ang love note, pero napansin ng mga Maritess na bagung-bago pa ang papel na ginamit, saka hindi raw naman ganoon ang handwriting ng yumaong aktor ayon sa kaniyang mga tagasuporta.

May katwiran doon si Claudine, si Rico raw talaga ang sumulat noon, ang tawag daw sa istilo ng pagkakasulat ay Assumption calligraphy penmanship.

Pero sinigurado ng isa naming source na pinagtaasan lang ng kilay ng pamilya ni Rico ang pasabog ni Claudine. Sana raw ay patahimikin na lang niya ang kaluluwa ng aktor.

At tandang-tanda pa namin. Mahal Na Araw nang makitang patay na ang aktor (March 28, 2002), noong mga panahong iyon ay si Raymart Santiago na ang kasama ni Claudine sa bahay ng kaniyang mga magulang sa Subic habang nagba-barbecue sila.

Paano nangyaring magkarelasyon pa rin sila ni Rico nang pumanaw ang aktor? Sila na ni Raymart ang magkarelasyon noon. Pramis!

Daniel Padilla – Binash na naman sa social media

Pinakakain ngayon ng ampalaya ng mga tagasuporta ni PRRD si Daniel Padilla. Nag-ugat iyon sa isang marahas na post ng aktor tungkol sa sinasabing bestfriend ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy na kinasuhan sa Amerika.

“Isa-isa nang kinukuha ni satanas” ang maigsing post ni Daniel, wala siyang binanggit na pangalan, pero ipinost pala niya iyon pagkatapos ng news na inilabas ng ABS-CBN.

Dahil doon ay puro pamba-bash ng DDS ang kailangang tanggapin ni Daniel. Dalawa sila ni Angel Locsin na pinaiinom ng apdo.

Kung lalaliman ang pag-iisip ay ang pagkatanggal ng prangkisa ng network ang pinakaugat ng kanilang emosyon. Parehong lantad sa kanilang mga pahayag sina Daniel at Angel.

At mauunawaan naman ang kanilang damdamin, sobrang naapektuhan sina Daniel at Angel sa pagkawala ng prangkisa ng kanilang network, buslo na pinagkukunan nila ng biyaya ang ABS-CBN.

Direktang isinasangkot ng mga taga-ABS-CBN ang pastor na unang nakaengkuwentro ni Vice Ganda, nagkasagutan sila, hanggang sa magpakawala ng pahayag ang tagapamuno ng simbahan na isang araw ay hindi na mararamdaman pa ng istasyon.

Natural, hanggang ngayon ay bitbit ni Daniel Padilla ang senaryo, kaya nang sumambulat ang balitang kinasuhan sa Amerika ang pastor ay hindi niya napigilan ang kaniyang sarili sa pagkokomento.

Pero tama rin naman ang punto ng mga kababayan natin. Hindi dapat binabanggit ang salitang satanas. Kailangang maingat tayo sa paggamit ng salitang iyon.

Ang mga tagasuporta ng Kingdom Of Jesus Christ na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy ay galit na galit din kay Daniel Padilla. Mapagpanggap daw na perpekto ang aktor.

Manny Pacquiao at Chavit Singson – Umasim ang samahan

“Mauubos lang ang pera niya, matatalo pa siya!” iyon ang madiing pahayag na pinakawalan ni Governor Chavit Singson sa isang panayam patungkol kay Senador Manny Pacquiao.

Sanggang-dikit sila dati. Kapag may laban ang Pambansang Kamao ay siguradong nasa boxing ring din ang pulitiko bilang tagasuporta niya.

Kung bakit biglang umasim ang kanilang samahan ay sila-silang magkakaibigan lang ang tanging nakakaalam. Ayon sa isang source ay sobrang nasaktan si Governor Singson dahil sa ginawang pang-eetsa-puwera sa kaniya ni Pacman.

Sulsol daw iyon ng mga taong nakapaikot ngayon sa senador-boksingero na pinakinggan niya naman. Isang source ang tumawag sa amin na mukhang magkukrus ang dila ng pulitiko.

Kumpirmadong ibinebenta na ng mag-asawang Pacquiao ang kanilang mansiyon sa Forbes Park. Naka-post na iyon sa halagang 2.3 billion. Matagal nang ibinebenta ang mansiyon pero hanggang ngayo’y wala pang bumibili.

Panahon ng pandemya, kahit mga bilyonaryo ay naghihigpit ng sinturon sa paglalabas ng pera, dahil hindi pa tiyak kung kailan talaga babalik sa kanormalan ang ating pamumuhay.

Ilang taon na ang nakararaan ay ibinebenta na rin ng mga Pacquiao ang naturang mansiyon sa halagang 700M. Kung ang presyo ngayon ng bahay ay 2.3B na, napakalaki pa rin ng kanilang kikitain, tubong-lugaw sila kung may bibili noon.

Pero hindi ang halaga ng property ang pinagpipistahan ngayon kundi ang dahilan kung bakit nagbebenta na ng mga ari-arian ang senador. Kahit kasi ang isang bahay nila sa GenSan ay ibinebenta na rin.

Kinakapos na kaya siya ng puhunan sa pagtakbong pangulo? Nauubos na ba ang salapi ng bilyonaryong boksingero dahil sa kapapamudmod niya nang lilibuhin sa mga probinsiyang iniikutan niya?

Isang source naman ang nagsabi sa amin na hindi raw naman halos natitirahan ng pamilya ang mansiyon sa Forbes Park dahil mas madalas silang mag-anak sa GenSan.

Pero nandito sa Maynila ang sentro ng kampanya, mas magiging madalas dito ang senador, nandito ang aksiyon at ang kaniyang opisina sa Senado.

“May iba pa silang properties dito, hindi rin halos nila natitirahan, una lang nilang gustong ibenta ang mansion nila sa Forbes Park dahil white elephant iyon. Nakatengga lang ang pera nila,” impormasyon pa ng aming kausap. Kopya. – CSF