Published on

Sulong PinoyWinnipeg Peloton, Pinoy-style

   SP.2013.10.03
Mga pioneers: Allan Mugot (kaliwa), Eric Baet (kanan)
SP.2013.10.02
Ang peloton. Larawan ni Tony Madlangsakay
SP.2013.10.01
Lumalaking grupo. Larawan ni Tony Madlangsakay
SP.2013.10.04
Allan Manjares, bronze medalist, 2013 Provincial Road Race Championship

By Norman Aceron Garcia

Namayagpag ang bandila ng Pilipinas noong ika-25 ng Agosto 2013 nang makuha ng isang Pilipino ang bronze medal sa ginanap na 2013 Provincial Road Race sa Holland, Manitoba. Nag-iisang Pinoy si Allan Manjares sa mahigit 40 siklistang sumali sa kumpetisyon na ito na pinasinayaan ng Manitoba Cycling Association. Ang panalong ito ni Allan ay ang kaniyang ikalawa ngayong taon na ito. Noong ika-25 ng Hulyo 2013 lamang ay nag-first place finish siya sa Handicap Road Race na ginanap sa Bird’s Hill Provincial Park na nilahukan ng 32 siklista.

Bilang paghahanda sa mga kumpetisyon na ito, nakikiensayo si Allan kasama ang Pinoy peloton (salitang Pranses ng “grupo ng siklista”) na lingguhang pumepedal mula McPhillips Street sa Leila Avenue patungo sa iba’t ibang destinasyon tulad ng Lockport at Selkirk. Ayon kay Allan, nakatulong nang malaki ang kaniyang pagsama sa grupo dahil regular ang ensayo at marami siyang natutuhan mula sa mga beteranong siklista. Ating kilalanin ang ating kababayan na si Eric Baet, tubong Quezon City at siklista mula pa 1975, ang nagpasimuno ng Pinoy peloton dito sa Winnipeg:

Kailan nagsimula ang grupo?

Eric Baet: Noong 2007, nang makilala ko si Allan Mugot, taga-Iligan City at siklista mula pa 1982. Nagsimula kami sa mga tatlo hanggang limang riders na pumepedal tuwing MWF pagkatapos ng aming kani-kaniyang trabaho. Nag-aasemble ang grupo sa aming bahay sa Lipton Street nang bandang 6:30 p.m. at tumutungo sa Headingley. Nakakabalik kami sa Winnipeg nang bandang 8:30 p.m. Amin itong ginagawa mula Mayo hanggang Setyembre ng bawat taon, basta safe at clear ang mga kalsada ng snow. Taon-taon, unti-unting nadadagdagan ang aming bilang hanggang sa umabot kami sa kasalukuyang miyembro na mga 15 hanggang 20 riders.

Ano ang inyong regular na schedule?

EB: Ngayong medyo malaki na ang grupo at karamihan sa mga regulars ay taga-North End, nilipat namin ang meeting place sa kanto ng McPhilipps Street at Beecher Avenue. Ang aming mga paboritong destinasyon ay Lockport, Selkirk, Bird’s Hill at Highway 59. Tuwing Agosto ng bawat taon, sumasali kami sa 100K at 100-mile Muddy Waters charity ride na ino-organize ng Habitat For Humanity.

Bakit magandang makahiligan ng mga Pilipino dito sa Winnipeg ang cycling?

EB: Ang cycling ay isang masaya at mahusay na ehersisyo, mabilis nitong napapataas ang heart rate at napapalakas ang mga binti. Hindi ito masyadong nakaka-stress sa tuhod dahil ito ay low-impact. Makakalibot ka sa mga magagandang tanawin ng Manitoba na hindi mo kadalasang pinupuntahan o sinasadya. Kung mag-bike-to-work ka naman, mas madali mong matutuhan ang mga pasikot-sikot ng Winnipeg lalo na yung mga kalsada na hindi dinadaanan ng mga bus at kotse. At dahil grupo kami kung mag-pedal, ito ay isa ding mainam na paraan upang palaganapin ang pakikipagsamahan ng mga Pilipino dito sa Winnipeg.

Ano ang inyong maipapayo sa mga gustong subukan ang cycling?

EB: Madaling matutuhan ang cycling dahil halos lahat naman ng tao ay natutong mag-bisikleta noong sila ay bata pa. Hindi kailangan bumili agad ng mamahalin na bisikleta. Pinapayo ko na magsimula muna sa mga mumurahin at segunda-mano. Ang mahalaga ay tama ang bike fit at hindi sumasakit ang katawan pagkatapos itong ipedal nang matagal. Saka ka na lamang bumili ng mas magandang bisikleta kapag sigurado o desidido ka na na magiging hobby o sport mo ito sa matagal na panahon. Kahit anong edad ay maaaring sumama sa amin. Ang pinakabata sa grupo ay edad 25 taon at ang pinakamatanda naman ay ako na edad 53 taon.

Ano ang iyong adhikain para sa grupo?

EB: Pangarap kong dumami ang mga Pinoy na siklista dito sa Winnipeg at manalo ang mga miyembro sa mga organized road races dito sa Manitoba.

Paano sumali sa inyong grupo?

EB: Wala naman kaming formal na admission process o try-out. Basta sumipot na lamang at sumabay sa aming mga group rides. Ang lahat ay welcome, walang diskriminasyon, mabilis man o mabagal, bata man o matanda, moderno man o segunda-mano ang bisiketa, lahat ay pantay-pantay. Ang mga baguhan ay amin pang inaalalayan habang maging kumportable siya sa pag-ride sa peloton. Ang importante lamang ay makita namin na desidido siyang matuto at maging mahusay sa pag-ride.

Si Norman Aceron Garcia ay personal trainer sa Shapes Fitness Centre at isa sa mga founders ng Sulong Triathlon Group (STG) na kasapi ng Triathlon Manitoba. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa www.sulongtriathlon.org.

Ang column na ito ay base sa personal na karanasan ng may-akda at hindi nagsisilbing training manual.

Fall schedule:

Cycling – Saturdays 9:00 a.m, McPhillips St. at Beecher Ave., Leila North

Running – Sundays 8:00 – 10:00 a.m, Kildonan Park or Mcdonald’s, Keewatin St.

Have a comment on this article? Send us your feedback