Published on

Sulong PinoyPinoy trail bikers

Ni Norman Aceron Garcia

larawan-2
Larawan ni Richie Flores
Ngayong papalapit na ang tag-init dito sa Manitoba, isa sa mga sports na maaari mong subukan ngayong taon na ito ay ang mountain biking. At mas lalo pang masaya kung ang makakasama mo ay mga kapuwa Pilipino din. Upang lubos na maunawan natin ang sport na ito, ating kilalanin ang tatlong founders ng Pinoy Trail Bikers -Winnipeg na sina Dan Nicanor, Richie Flores at Dave Matuguina, at alamin ang mga bagay na dapat gawin upang maging isang mountain biker (MTB’er).

Sina Dan at Richie ay parehong taga-San Fernando, La Union, bagamat dito na sa Winnipeg sila nagkakilala. Si Dan ay sumasali na sa mga MTB races sa Pilipinas mula pa noong 2000. Nang dumating siya sa Winnipeg, naging hobby niya ang magpupupunta sa iba’t ibang bike trails nang mag-isa. Kapag natagpuan niya na maganda ang isang lugar, agad niya itong binabalikan kasama ang mga kaibigan na mahihilig din sa MTB. Naging playground naman ni Richie ang Bacsil Ridge Bike Trails sa San Fernando, La Union mula pa noong siya ay nasa kolehiyo noong 2000. Si Dave naman ay dito na sa Winnipeg unang nakaranas mag-MTB nang may nagdala sa kaniya sa Bluestem Bike Trails, Springfield. Nagsimula si Dave sa isang rigid frame bike na nabili niya sa Canadian Tire noong 2010 at noon lamang 2012 siya nag-upgrade sa full suspension MTB na gamit niya hanggang sa kasalukuyan.

Maaari ba ninyong isalaysay kung paano nabuo ang Pinoy Trail Bikers – Winnipeg?

Dan: Naganap ang aming unang group ride noong nakaraang taon, May 2013, na kinabilangan namin nina Richie, Dave at apat pang mga nahatak na sina Allan Ducusin, Willy Ilagan, Boyet Planta at Bong Salmon. Nasundan iyon ng marami pang mga group rides sa iba’t ibang trails sa Winnipeg sa pamamagitan ng pag-iimbita sa mga kaibigan at kamag-anak. Nakadayo din kami nang dalawang 2 beses sa Grand Beach kasama ang aming mga pamilya. Nilikha ni Richie ang Facebook group na Pinoy Trail Bikers – Winnipeg na siyang dahilan kaya dumami kami sa mahigit 60 kasapi. Ang pinakabata sa grupo ay edad 10 taon at ang pinaka-senior naman ay edad 52 taon.

Ano ang inyong regular na schedule?

Richie: Tuwing weekend ang aming regular na group rides. Kada-Sabado at Linggo ng umaga, mula 8:00 a.m. hanggang 10:00 a.m., nagpupunta kami sa iba’t ibang mountain bike trails ng Winnipeg. Ilan sa aming mga napuntahan ay ang Burr Oak Trail sa Bird’s Hill Provincial Park, Royal Wood Trail sa may Bishop Grandin Boulevard, at Churchill Drive Parkway sa may Jubilee Avenue. Ngayong taon na ito, binabalak namin na pumunta sa mountain bike trails ng Falcon Lake at Ingolf sa Ontario.

Bakit magandang makahiligan ng mga Pilipino dito sa Winnipeg ang mountain biking?

Dave: Ang mountain biking ay isang mahusay na ehersiyo dahil ito ay puno ng thrills at adrenaline rush. Hindi ito boring dahil ang bawat trail ay may iba’t ibang uri ng challenges. Madami kang mararating na magagandang lugar sa loob at labas ng Winnipeg na hindi kadalasan pinupuntahan ng mga tao. Mas lalo mong ma-aappreciate ang kalikasan dahil sa mga naggagandahang tanawin na madadaanan mo habang binabagtas ang trails. Ito ay isa ding mainam na paraan upang maka-network at makilala ang mga Pilipino dito sa Winnipeg lalong-lalo na ang mga mahihilig sa sports at adventure.

Ano ang mga maipapayo ninyo sa mga interesado subukan ang mountain biking?

Dan: Depende sa iyong budget, madami kang mapagpipilian na “starter” mountain bikes na matatagpuan sa iba’t ibang specialty bikes shops dito sa Winnipeg. Ang mahalaga lamang ay mayroon itong “knobby tires” na may minimum width na 1.9” upang makapit ang traction ng iyong gulong sa lupa. Makakahanap ka na sa Canadian Tire ng mga rigid frame mountain bikes na nagkakahalaga lamang na mula $100 hanggang $400. Ang mga hard-tail bikes, na nasa fork lamang ang suspension, ay nasa budget na $500 pataas. Kung may budget ka naman na $1,000 pataas, madami kang makikita na iba’t ibang modelo ng full suspension bikes sa mga specialty bike shops.

Dave: Hindi kailangan bumili agad ng mamahalin na bisikleta upang makasama sa aming mga lakad. Wala namang kantiyawan tungkol sa quality ng ginagamit na bisikleta dito sa grupo namin. Pinapayo ko na magsimula muna sa mga mumurahin at segunda-manong bisikleta na mabibili sa Kijiji. Ang mahalaga ay husto ang fit ng bike sa iyong body frame. Mag-upgrade ka na lamang kapag nagkabudget ka na at nasigurado mo na sa sarili mo na gagawin mo na itong pangmatagalan na sport o hobby.

Richie: Bukod sa pagbili ng bisikleta, mahalaga din na mag-invest sa bike helmet, sports bottle at hydration pack kung saan maaaring ilagay ang mga baon na trail food, sports gels, saging at tinapay. Sa mga rides naman, kadalasan ako ang nahuhuli at nasa likuran ng pack upang aalalayan ang mga beginners. Angkop sa beginners ang aming mga pinupuntahan na lugar, hindi masyadong technical at delikado kumpara sa terrain sa Pilipinas. Ngunit iba’t ibang challenges naman ang dinadaanan namin tulad ng mga bato, loose gravel, steep grades na inclines at declines, paiba-ibang elevations, malalaking ugat ng puno, at mga nakaharang na logs.

Paano sumali sa PTB-Winnipeg?

Richie: Inaanyayahan ko lahat ng makakabasa nito na sumali sa aming Facebook group na Pinoy Trail Bikers – Winnipeg upang maging updated sa schedule ng aming mga lakad. Wala kaming formal na admission process o try-out, ang lahat ay welcome, bata man o matanda. Maaari din isama ang kani-kaniyang mga pamilya sa mga lakad na malapit sa picnic areas tulad ng Grand Beach, Bird’s Bill at Falcon Lake.

Ano ang iyong adhikain sa Pinoy Trail Bikers - Winnipeg?

Dan: Layunin namin na makahiyakat kami ng madaming Pilipino na maging sport nila itong trail biking. Nais din namin na makarating sa ibang bike trails sa labas ng Manitoba tulad ng mga nasa Ontario. Ngayon taon na ito, ilan sa aming miyembro ay sasali sa mga cross-country races na pinasisinayaan ng Manitoba Cycling Association. Bukod sa pagsali, layunin din namin na may magka-medal na miyembro ng PTB upang maipamalas sa Manitoba na kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa larangan ng cross country competitions.

Ang column na ito ay base sa personal na karanasan ng may-akda at hindi nagsisilbing training manual.

Si Norman Aceron Garcia ay fitness trainer at isa sa mga founders ng Sulong Triathlon Group (STG) na kasapi ng Triathlon Manitoba. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa www.sulongtriathlon.org and like us on Facebook at Sulong Triathlon Group.

Have a comment on this article? Send us your feedback

KPFD2014