Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Real talk lang tayo, mga kaibigan

ni Noel Lapuz

Umuusok ang usapan sa City Hall ngayong hapon (Jan. 27) nang maghain ng motion sila Councillors Sherri Rollins (Fort Rouge-East Fort Garry) at Markus Chambers (St. Norbert-Seine River) para i-decriminalize ang possession ng small amounts of illegal drugs in city limits.

Sa nasabing notice of motion ay pinakiusapan ng dalawang konsehal ang chief administrative officer na makipag-ugnayan sa federal government para simulan ang proseso na i-explore ang naturang decriminalization.

Kung ito’y maipapasa, sinuman sa Winnipeg na may hawak ng small amount ng illegal na droga para sa sariling gamit ay hindi mahaharap sa criminal na repercussions, o sa madaling salita, lusot sa batas kung pang solo flight lang ang karga mong droga.

Wow! Yan ang una kong naging reaksyon sa balitang ito.

Para sa akin, grabe yata ang mga priyoridad ng mga konsehal na ito. Ang motion di umano ay inihain upang matugunan ang mga racial issues kaugnay ng pag-aresto ng mga kasong nauugnay sa iligal na droga. Karamihan daw kasing nasasangkot sa small criminalization of drug possession ay mga katutubo at mga black people.

Real talk lang tayo mga kaibigan. Hindi ko maintindihan ang argumentong ito. Para sa akin kasi regardless kung gaanong kakaunti o kadami ang karga mong droga, ay droga pa din ito. Sorry ha, minsan kasi feeling ko na spoiled na spoiled na yung mga lumalabag sa batas at kawawa naman yung mga law abiding citizens na marami sa atin na walang ginawa kundi magtrabaho at magbanat ng buto habang ang mga pasaway sa kalye at lipunan ay tuloy lang ang ginagawang kalokohan. Parehas ba naman ito?

To add to that, maririnig mo mismo sa mga halal ng bayan na i-decriminalize ang mga taong may bitbit ng small amount ng iligal na droga? Wow naman. Ano ba nasa isip ni Rollins at Chambers ng inihain nila ang motion na ito? Isa pa, gaano kadami ang small amounts? Isang kilong bato ba?

Nakaka-frustrate ang city hall lalo na’t hindi nila matugunan ng maayos ang mga basic na services na dapat nilang gawin para sa bayan. Habang gabundok ang mga snow sa ating kapaligiran at napakaraming aksidente na ang nangyari dahil dito ay heto ang dalawa nating konsehal, ang inaatupag ay ang pang-kanlong sa mga taong addict sa droga.

Isa pa sa mga ikinukulo ng dugo ko ay ang mga walang katapusang excuses ng mga tao para i-justify ang drug addiction. Tanggap ko na sakit ito at may mga kaso talaga na aksidente ang pagkakagumon sa droga ng ibang tao. Pero, marami din ang naging drug addict dahil ginusto nila ito! Magpakatotoo lang tayo. Lahat na lang kasi halos ng issue dito sa lipunan ay ginagamit ng mga politiko. Lahat na lang ng dapat gawin ay kailangang politically correct. Lagi tayong takot magsalita o nag-aalinlangang sabihin ang totoo dahil ayaw nating maka-offend ng tao.

Speaking of politics. Sa tingin ko, malamang ay politika lang ito para makakuha ng malaking boto ang dalawa sa black at indigenous communities. Take note, sa October ng taong ito ay municipal election na kung saan may mga alingawngaw na tatakbo daw na mayor si Konsehal Chambers.

Marami sa atin ang hindi kumikibo at tumatawa ng lang sa mga nangyayari sa ating komunidad lalo na sa Winnipeg. Ang crime rate ay pataas nang pataas, ang mga nakawan ay walang tigil kahit na winter season, ang kawalang aksyon ng mga halal na pulitiko sa mga basic services, ang hindi efficient na paghakot ng basura na ibinabalibag ang ating mga carts, ang 311 services na “habang buhay” kang mag-aantay bago masagot ang iyong tawag at suwerte mo kung alam ng agent ang sagot sa itatanong mo at marami pang mga isyung dapat sana ay ginagampanan nang maayos ng ating mga nakaupong politiko. Siguro malaking overhaul ang kailangan sa ating city governance. Good luck sa susunod na Mayor.

Balikan natin ang motion ng dalawang konsehal. Sa February ay pormal itong pag-uusapan sa council. Puwede kayong magparticipate in person or virtual. Siguraduhin n’yo lang na hindi kayo tumira ng ipinagbabawal na droga kung gusto n’yong makisama sa diskusyong ito.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback