Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoSi Kulit

Ni Nestor Barco

“ATE, hanga talaga ako sa iyo kung paano mo napagtitiyagaan si Kulit.” Ang bunsong kapatid niyang babae ang nagsabi nito.

“Buti kung oras lamang niya ang nasasayang. Kaso, pati oras ko e sinasayang ni Kulit sa paulit-ulit niyang kuwento.” Isang kaopisina nila ang nagreklamo nito.

“Alam mo, puwede kang sabitan ng medalya sa pagiging pasensiyosa. Natatagalan mo si Kulit.” Isang kaibigan niya ang nagbiro nito.

“Sigurado ka bang habambuhay mong mapagpapasensiyahan si Roland?” Ang kaniyang ina ang nagpaalala nito.

KAHIT sa kaniyang sarili, aminado siyang makulit si Roland.

Mahigit isang taon na silang mag-boyfriend. Naranasan na niya ang kung anu-anong kakulitan nito.

Minsan, nalimutan niyang balikan ang payong na iniwan niya sa baggage counter ng mall. Nasa abangan na sila ng sasakyan nang maalala niya iyon.

“Dapat, tinatandaan mo ang iniiwan mo. Tingnan mo, napakalaking abala ang nangyari,” sikmat nito sa kaniya.

May dalawampung beses yatang inulit-ulit nito iyon. Talagang nakulili ang mga tainga niya.

Hindi ito nasisiyahan sa minsan, makalawa o kahit makaitlo pang pagbibilin.

Minsa’y maaga silang lalakad kinabukasan. “Alas-sais ng umaga e kailangang handa ka na. Susunduin kita sa ganoong oras,” bilin nito nang pasakay na siya ng UV Express Service.

“Oo,” tugon niya.

Pagdating ng bahay, nakatanggap siya ng text. 6 am bukas, sabi ng text ni Roland.

Alas-9 ng gabi, papatulog na siya nang makatanggap uli siya ng text. Galing uli kay Roland. Ganoon uli ang sinasabi: 6 am bukas.

Naudlot ang pagtulog, nawala ang antok niya. Nahirapan siyang makatulog.

Nagmamadali siya kinabukasan. Hindi agad siya nakabangon dahil natagalan bago siya nakatulog nang nagdaang gabi. Maliligo na siya nang tumunog ang kaniyang cellphone. Bagama’t may hinala na siyang si Roland uli iyon, binasa pa rin muna niya ang text dahil baka mahalaga iyon na kailangan niyang sagutin noon din.

Si Roland nga uli. Pareho pa rin ang sinasabi. Remind ko lang. 6 am.

Lalo siyang natatagalan dahil sa ginagawa nito.

May pagkakataong sumasawa rin siya sa paulit-ulit nitong pagbibilin. “Iniintindi ko naman ang sinasabi mo. ‘Wag kang mabahala,” pagbibigay-katiyakan niya kay Roland.

“Nagsisiguro lang,” sinasabi nito.

Hindi siya psychologist. Hindi niya alam kung bakit ganoon si Roland.

Nagkaroon ba ito ng masaklap na karanasan noong bata pa? Tinamaan ba ito ng kung anong sakit? Nasa dugo ba iyon? O sadyang ganoon lang si Roland?

Basta inuunawa na lamang niya ito.

Tutal, kahit ano naman ang dahilan ng kakulitan nito, uunawain pa rin niya si Roland.

Gusto pa rin niyang makasama ito habambuhay dahil mahal niya ito.

KUNG sa kaniyang sarili lamang, mapagtitiyagaan na niya kahit pa maya’t maya’y maging makulit si Roland.

Nasanay na siya sa kakulitan nito.

At sakali mang napipikon siya kung minsan, nagbabati naman sila agad.

Isa pa, nakita niyang may malaking kabutihan para sa kaniya sa pagiging makulit ni Roland.

Sa edad niyang beinte-singko anyos, marami na rin siyang naranasan at nasaksihan tungkol sa pag-ibig.

Hindi si Roland ang unang boyfriend niya. Marami na rin siyang naging crush at nakaapat na siyang boyfriend bago nanligaw sa kaniya at sinagot niya si Roland.

Daig pa niya ang bumagsak sa isang subject sa paaralan nang hindi siya ang ligawan ng crush niya noong nasa haiskul siya. Maraming estudyanteng babae ang may crush sa crush niya. Iba pala ang gusto nito, hindi sila na may crush dito.

“Ano ka ba? Para kang nasa alapaap! Magsaing ka na!” narinig na lamang niyang bulyaw ng kaniyang ina habang iniisip niya ang tin-edyer na lalaki.

Wala pa rin sa sarili na nagsaing siya.

Iyak siya nang iyak sa kaibigan niya nang matuklasan niyang may iba pa palang nililigawan ang boyfriend niya.

“Bakit niya nagawa sa akin ito? Bakit? Wala naman akong pagkukulang sa kaniya!” himutok niya.

Tiyak na kulang ang isang drum bilang panahod sa mga luhang pumatak mula sa mga mata niya bago sila nagtagpo ni Roland.

Nasasaksihan din niya kung paano magdusa ang kapuwa.

Ilang beses na siyang pinaghingahan ng lungkot ng ilang kaibigan niya.

“Napakasakit! Napakasakit ng ginawa niya!” sabi ng isang kaibigan niya habang iyak nang iyak makaraang iwan ito ng boyfriend.

Kay Roland, maraming babae ang turned-off.

Bihira, kung mayroon man, ang kaagaw niya.

GAYUNMAN, gusto pa rin niyang mabawasan, kundi man ganap na mapawi, ang kakulitan ng boyfriend.

Kung maraming naiinis kay Roland dahil sa kakulitan nito, naaawa naman siya.

Iniiwasan si Roland ng mga kaopisina nila. Kapag papalapit na ito sa isang umpukan, biglang lumalayo o naghihiwa-hiwalay ang mga naroon.

Binabara ito ng kausap. “Paulit-ulit ka naman, e!” sasabihin ng kausap nito saka biglang iiwan si Roland.

Pinagtatawanan ito ng mga nakaririnig kapag nagpapaliwanag ito.

Tiyak na dinaramdam ni Roland ang mga iyon. Nalulungkot ito.

Kaya kapag nagtatalo sila (na madalang namang mangyari dahil iniiwasan niya iyon hangga’t maaari), pinipili niyang walang nakaririnig dahil ayaw niyang mapagtawanan si Roland.

Naiisip din niyang mahirap dalhin sa kalooban yaong parang laging nag-aalala at hindi mapanatag kahit ilang beses bigyan ng katiyakan na tulad ng nakikita niyang nangyayari kay Roland.

Pinapayuhan niya ito: “Kapag me sinabi ka sa kausap mo, sapat na ang isa. Tiyak namang narinig iyon. Kung talagang pakikinggan ka, pakikinggan ka kahit minsan mo lang sinabi. Mayroon pa ngang tao na lalong kabaligtaran ang ginagawa pag pinaulit-ulit mo.”

NAKIKITA naman niyang pinahahalagahan ni Roland ang pag-unawa at pagmamalasakit niya.

Kapag nagbati na sila makaraang magtalo, sinusuyo siya nito.

Tanggal lahat ang inis niya, bagbag na bagbag pa nga ang kalooban niya, kapag sinabi na nito sa kaniya: “Sorry, ha? Sinumpong na naman ako ng kakulitan.”

Tinatanong siya nito kapag sa tingin nito ay may problema siya o may dinaramdam. Alam niya, gusto nitong lagi siyang masaya.

Nagpapatawa ito kapag sa tingin nito ay naiinis siya. Ngumingiti ito kapag tumatawa na siya. “Ganyan, masaya ako pag ngumingiti ka na,” sasabihin nito. At magtatawanan sila.

Ang totoo, lagi silang nagtatawanan kapag magkasama sila ni Roland.

Higit sa lahat, ipinakikita nitong sa kaniya lamang nakatuon ang mga mata nito kahit pa katatapos lamang nilang magtalo dahil sa kakulitan nito.

Sa loob niya, tao nga lamang siguro si Roland na nangangailangan ng pang-unawa at pagmamahal.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.