Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Akala ko si Glen Murray. Hindi pala!

ni Noel Lapuz

Ang feeling ng excitement na may halong pangamba ay nadama ko habang ako ay naging bahagi ng kampaniya ni re-elected Councillor Ross Eadie ng Mynarski ward. Na-assign ako bilang taga-sundo at hatid ng mga botanteng walang sasakyan at matatandang kailangan ang gabay dahil sila ay may mobility issues. Nag-drop off din ako sa ilang neighbourhoods ng mga notices upang anyayahan ang mga taong bumoto. Dakong 7:30 ng gabi ay na-assign naman akong election scrutineer sa St John’s High School. Pagdating ko sa aming headquarters ay nagtulong-tulong kaming bilangin ang total votes ng Mynarski ward. Mabilis ang araw kahapon. Saglit na saglit ay nagdiriwang na ang aming team sa muling pagkakahalal kay Ross.

Dahil nakatutok ang aming grupo sa resulta ng boto sa Mynarski ward ay hindi namin masyadong napuna ang roller coaster na resulta ng mayoralty votes. Ang totoo, buong akala namin ay nanalo si Glen Murray. In fact, nang interbyuhin si Ross sa isang TV news channel ay nabanggit niya ang magandang magiging relasyon niya sa susunod na Mayor na ang tinukoy niya ay si Glen. Patuloy ang aming celebration at pagpapasalamat sa isa’t isa hanggang sa ako ay nagpaalam na sa grupo para umuwi.

Bandang 9:45 ng gabi habang ako ay nagmamaneho pauwi ay binuksan ko ang aking radio sa usual kong station na CJOB. Doon ako nabigla! Ayon sa balita ay nangunguna na nang dalawang libo mahigit si Scott Gillingham over Glen Murray. Anim na polls na lamang ang kulang to confirm na panalo na nga si Scott. Agad kong tinawagan ang isa naming kasama sa team at sinabi ang current situation. Nagulat din siya! Si Julie Buckingham ng CJOB na nasa Clarion Hotel sa kampo ni Scott ay nag-aabang ng pormal na anunsyo ng kaniyang pagka-panalo. Si Brent McGary ng parehong istasyon ng radio ay nasa Fort Garry Hotel ay nasa kampo ni Glen at nag-aabang naman ng kaniyang pag-concede. Sa pagkaka-describe ni Brent, umiwas muna si Glen na tumuntong ng stage at sa halip ay pinasalamatan ang mga supporters, ngunit bakas di-umano sa mukha ni Glen ang pagka-balisa. Incidentally, birthday din ni Glen kahapon.

Pagdating ko ng bahay bandang 10:00 p.m. ay ipinagpatuloy ko ang pakikinig sa radio. Inanunsyo ng senior election official na si Marc Lemoine ang pagka-panalo ni Scott Gillingham bilang bagong Mayor ng Winnipeg at hindi si Glen Murray.

Nagdagsaan ang mga texts sa akin ng mga tropa at kaibigan. “Talo si Glen,” “Glen lost,” “Wow Man,” etc.

Anu-ano ang mga aral na napulot ko sa eleksyong ito? Habang mainit pa sa aking isip ay nais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa aking mga napuna at puwede nating puluting aral lalo na kung may balak kayong makilahok sa pulitika.

1. Huwag assuming. Hindi laging basehan ang surveys/election polls sa actual na magiging resulta ng halalan;

2. Patatagin ay iyong lakas at palakasin ang iyong kahinanan. Huwag maging kampante sa mga existing supporters. Sa halip ay patatagin mo sila para patuloy silang sumuporta sa iyo hanggang sa huli. Sa kabilang dako ay patuloy mong alamin kung saan ka mahina at i-convert ang mga weakness na ito bilang mga bago mong lakas;

3. Siguraduhin na ang mag-eendorso ay may kredibilidad sa komunidad at hindi makakasira sa kampanya. Hindi dahil sikat ang personahe ng isang tao ay magdadala ito ng boto. Minsan nakakahila pa sila pababa;

4. Sipag at doble sipag. Ang civic elections ay napaka-personal ang level. Iba ang dating na personal mong nakikita, nakakamayan at nakakausap ang mga kandidato;

5. The more volunteers, the better. Ang mga volunteers ay isa sa mga susi sa matagumpay ng kampanya. Recruit more at lagi silang pasalamatan;

6. Linawin ang iyong plataporma. Mas maganda kung detalyado ang plataporma at madaling maintindihan ng lahat. Huwag mangako nang general statement. Halibawa, ang pangakong “crime prevention” ay walang bisa kung walang detalye kung paano ito gagawin.

Tama na muna yan.

Congratulations sa bagong Mayor (Mayor-elect) ng Winnipeg Scott Gillingham, sa mga nahalal na muli sa City Council ,lalo na kay batang north end Councillor Ross Eadie at sa lahat ng mga nanalo. Magtrabaho nawa kayong lahat pagkatapos ng eleksyon at huwag tutulog-tulog sa pansitan.

Sa mga natalo, ayos lang yan. Ganiyan talaga ang eleksyon. May nananalo at may natatalo, di ba Moe?

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback