Published on

Happi Pinoy Laro ng Lahi

Pagpapanatili ng kultura, pagpapalakas ng samahan

ni Anna Cruzada, Organizer, HAPPI Pinoy Licensed Home Daycare Providers

HAPPI PINOY 1

Noong Agosto 15, 2026, isang masigla at makabuluhang araw ang naganap sa Kildonan Park, 2015 Main St., Winnipeg, Manitoba, para sa unang Laro ng Lahi ng HAPPI Pinoy Licensed Home Daycare Providers, na dinaluhan ng mga miyembro, kapamilya, at mga bisita.

Isinagawa ang event bilang pagkakataon para sa mga childcare providers na makapaglaan ng oras para sa sarili, makapagpahinga mula sa kanilang araw-araw na responsabilidad, at makibahagi sa isang masayang community activity. Bilang mga childcare providers, malaking bahagi ng kanilang tungkulin ang pag-aalaga at paggabay sa mga bata. Sa pamamagitan ng Laro ng Lahi, nabigyan sila ng pagkakataong muling maranasan ang saya ng paglalaro at pakikilahok sa mga gawaing nagpapalakas ng samahan.

Layunin ng event na muling buhayin ang mga tradisyunal na larong Pilipino at maipakilala sa mga kabataang Pilipino ang mga larong bahagi ng ating kultura at pagkabata.

Isang malaking pasasalamat sa buong komite ng Laro ng Lahi sa pamumuno ni Lorenda Cabreros, kasama sina Arsenia Limosinero, Chona Saputil, Grace Ortiz, Joy Abellera, Shiela Fiestan, at Regina Bernardo, na tinatawag ng grupo bilang “D Beks Team.” Ang kanilang sipag, tiyaga, at dedikasyon sa paghahanda at pagsasagawa ng programa ay naging malaking bahagi ng tagumpay ng event.

Naging tampok sa buong araw ang teamwork, sportsmanship, at pakikipagkaibigan. Aktibong nakilahok ang mga miyembro, habang ang kanilang mga pamilya at bisita ay nakisaya at nagbigay ng suporta. Higit sa kompetisyon, naging mahalaga ang tawanan, kuwentuhan, at pagbuo ng mga bagong alaala.

Ang unang Laro ng Lahi ay naging isang makabuluhang pagdiriwang ng kulturang Pilipino, pagkakaibigan, at community spirit ng HAPPI Pinoy.

Mabuhay ang kulturang Pilipino!

Ang HAPPI Pinoy Licensed Home Daycare Providers ay binubuo ng 30 miyembro. Ito ay isang independent community group at hindi kumakatawan sa lahat ng licensed home daycare providers o childcare providers sa buong Winnipeg. Ang artikulong ito ay nakatuon lamang sa Laro ng Lahi at mga aktibidad ng HAPPI Pinoy at hindi kumakatawan sa pananaw ng buong childcare community.