
Opinions
![]() |
Digmaan para sa katotohanan |
ni Noel Lapuz
Nabubuhay ka ba sa kasinungalingan? Naalala mo ba noong bata ka nang una kang nagsinungaling? Hindi ba’t kakaiba ang iyong naramdaman. Something was not right dahil alam mong nagsinungaling ka. May naramdaman kang takot dahil baka malaman ng iyong magulang ang iyong kasinungalingan. Kung baga, binagabag ka ng iyong konsensya.
Lumipas ang mga panahon, kung madalas kang magsinungaling ay naging tila normal na ito sa para sa iyo. Kung noong una ay may takot ka, ngayon ay sanay o manhid ka na sa pagsisinungaling dahil parati mo na itong ginagawa. Ang hindi normal noong bata ka pa ay normal na ngayon sa iyo. Ang hindi totoo na ginagawa mong totoo ay katanggap-tanggap na sa iyo dahil ganito na ang iyong naging pamantayan o standard sa buhay. Bukod dito ay malakas ang impluwensya ng huwad na katotohanang dulot ng teknolohiya. Alipin ka na ng social media. Kahit anong makita, mabasa o mapanood mo ay pinapaniwalaan mo na nang walang pasubali dahil ang iyong katauhan ay puno na ng kasinungalingan. Kaya’t katanggap-tanggap na sa iyo ang mga bagay na hindi kailanman sinabi ng iyong mga magulang na tama. Wala ka na sa sarili mong diwa at isip. Hindi ka na kritikal mag-isip. Naging robot ka na ba?
May kasalukuyang digmaan ngayon. Ang digmaan para sa katotohanan.
Nagtatalo ang magkakaibang kampo sa tunay na bersyon ng kasaysayan ng mundo. Gamit ang sandata ng kapangyarihan, hindi imposibleng ituring na mga bayani ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon ang mga demonyo ng kasaysayan. Matatakpan ng kasinungalingan ang mga krimen, pag-aabuso, pandaramabong, panunupil sa karapatang-pantao at ng marami pang maling ginawa ng mga nagsamantala sa inang bayan at sa mundo.
Ang masakit nito, ang mga mismong biktima ay hindi maniniwala sa katotohanan ng kasaysayan. Iilan lamang ang magtatanggol. Magiging kontrabida ang mga tumitindig sa katuwiran. Pagtatawanan at kukuyugin ng kamangmangan ang mga lehitimong manunulat. Malulusaw ang mga kilusan at mga institusyon na may malalim na pundasyon at tunay na may pagmamahal sa bayan.
Kapag ako ay pumanaw na, ang mga isinulat ko sa pitak na ito ay magsisilbing batayan ng susunod na panahon na kung saan ikaw at ako ay nasa gitna ng pakikibaka upang ipaglaban ang katotohanan. Hindi man tayo magtagumpay ngayon dahil sa puwersa ng katiwalian, ang mahalaga ay nagpunla tayo ng totoo at nagkuwento tayo nang maayos at hindi natin iniligaw ng landas ang buhay ng mga susunod na tao sa mundo.
Dahil sa kaabalahan ng ating buhay ay hindi ako umaasa ng ganap na pakikiaalam ng karamihan sa digmaang ito. Subalit sa ating maliit na paraan ay makakapag-ambag tayo sa labang ito. Ang simpleng pamumuhay ng matuwid at pagtuturo ng katotohanan sa ating mga mahal sa buhay ay sapat na upang malinis natin ang napakaruming lipunan na binabalot ng disimpormasyon. Hindi natin kailangang mag-away sa magkakaiba nating opinion, ngunit dapat nating matutunan ang totoong mga pangyayaring naganap. Ang katotohanan ang tunay na makakapagpalaya sa ating mga diwa na tila naging alipin na ng mga maling katuruan.
Maiksi lamang ang buhay natin sa mundo pero napakahaba ng panahon ng pakikibaka. Sana habang buhay ka pa ay ipinagtanggol mo ang katotohanan. Alam mo naman iyon sa puso at diwa mo kung hindi ka lang nagbubulag-bulagan.
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.
Have a comment on this article? Send us your feedback